DOST

Lindol, normal na pangyayari sa PH – Kalihim ng DOST

1621 Views

TINIYAK ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. nitong Lunes na ang mga kamakailang pagyanig na naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay normal lamang.

“Normal ‘yan dahil sa mga aktibong fault at trench,” ayon kay Solidum sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, at idinagdag pa na nakapagtatala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng hindi bababa sa 30 lindol kada araw.

“Kaya hindi kataka-taka na may mga lugar na nakararamdam ng malalakas na lindol.”

Ipinaliwanag ni Solidum na ang mga kamakailang lindol sa Cebu, Davao, Zambales, at La Union ay hindi magkakaugnay, dahil ito ay dulot ng magkakaibang fault systems na nasa malalayong lugar.

“Magkakaiba ang kilos ng kanilang mga pinanggalingang fault at malayo rin ang pagitan ng mga ito,” aniya.

Binigyang-diin din ni Solidum ang kahalagahan ng pagsunod sa National Building Code.

“Hindi dapat gumuho ang mga gusali at bahay kahit pa may pagyanig na intensity VIII,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ng kalihim ng DOST na hindi kailangang magtatakbo palabas kung tiyak ang katatagan ng estruktura ng gusali.

Makakatulong ito upang maiwasan ang mga injury at pagkamatay habang naglilikas, at maiwasan ding matamaan ng mga nahuhulog na bagay o debris.

“‘Yan ang dahilan kung bakit tayo nagsasagawa ng drop, cover, and hold tuwing earthquake drill, para alam ng mga tao kung saan pupunta sa loob ng establisyemento habang at pagkatapos ng lindol,” ani Solidum.

Hinimok din niya ang publiko na maghanda ng emergency bag o “go bag”, at alamin kung saan lilikas at paano humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan. Philippine News Agency