Yorme

Yorme mamimigay ng tulong sa mga parak-Maynila

Edd Reyes Oct 13, 2025
300 Views

IBIBIGAY na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Miyerkules ang tulong pinansyal sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos ang isang taong pagkakaantala.

Aabot sa P27,865,750 ang financial assistance na ipamamahagi sa mga tauhan ng MPD para sa kanilang operational expenses matapos silang makasingil ng P38 milyon mula sa mga contractors.

Para lamang sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre 2024 ang tulong bagama’t tiniyak niya na lahat ng paraan ay kanyang ginagawa upang mabayaran ang iniwang obligasyon ng nakaraang administrasyon.

“Sa mga lespu, steady lang kayo sa gedli, umasa kayo na kapag nakaluwag-luwag ay unti-unti nating tutugunan ang ating mga obligasyon sa ating mga kapwa lingkod-bayan,” pagtiyak ni Yorme Isko.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ng alkalde na bilang paghahanda kung sakaling tumama ang malakas na lindol sa Maynila, sisimulan na ang pamamahagi ng Manila Vital Care Kit sa mga estudyante, opisyal ng barangay, mga kawani ng Manila City Hall at mga health centers.

Aabot sa 101,214 ang ipamamahaging medical care kit ng pamahalaang lungsod ngayong linggo na ihahatid sa kani-kanilang tanggapan.