Volcano Taal Volcano

Nag-aalborotong bulkan di epekto ng mga lindol — Phivolcs

319 Views
Volcano1
Bulusan Volcano…
PNA file photos

NILINAW ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Lunes na ang mga kamakailang malalakas na lindol sa bansa ay walang kaugnayan sa kasalukuyang aktibidad ng mga bulkan.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, walang direktang ugnayan ang mga tectonic na lindol sa pagsabog o pagtaas ng aktibidad ng bulkan.

“Strong tectonic earthquakes have no direct effect on volcanic eruption and increased seismic activity,” ani Bacolcol sa panayam ng Philippine News Agency.

Ipinaliwanag niya na nagkakaroon lamang ng pagsabog ng bulkan kapag may sapat na pressure sa loob ng magma chamber ng bulkan upang magdulot ng pagsabog.

Ayon sa Phivolcs, isang bahagyang phreatic eruption ang naitala sa Taal Volcano bandang 11:42 ng umaga nitong Lunes, na lumikha ng usok na umabot sa taas na 900 metro.

Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalboroto.

Sinabi ni Bacolcol na karaniwan na ang mga bahagyang pagsabog sa Taal, na halos buwan-buwan ay nakararanas ng maliliit na phreatic events.

Samantala, iniulat din ng Phivolcs ang pagtaas ng seismic activity sa Bulkang Bulusan noong weekend, kung saan 72 volcanic-tectonic earthquakes ang naitala mula hatinggabi ng Oktubre 11.

“The recent earthquakes are from active faults and trenches while the earthquakes from Bulusan Volcano are due to magma pushing through,” paliwanag ni Bacolcol.

Gayunman, sinabi niyang bumababa na ang seismic activity ng Bulusan Volcano.

“For the past 24 hours, we recorded 25 volcanic earthquakes, which is lower than the 55 volcanic earthquakes we recorded the previous day,” dagdag ni Bacolcol. Philippine News Agency