West Philippine Sea

Hiling mula Senado: PH karagatan ipaglaban

262 Views

HINIMOK ni Sen. Jose “Jinggoy” Ejercito Estrada ang pamahalaan na ituring ang insidente noong Oktubre 12 na kinasangkutan ng China Coast Guard (CCG) at ng BRP Datu Pagbuaya bilang bahagi ng patuloy na pattern ng panggigipit sa karagatan. Giit niya, kailangang magkaroon ng matatag na aksyon sa diplomasya at operasyon upang matugunan ang mga paulit-ulit na insidente sa West Philippine Sea.

“Makailang ulit na itong nangyayari, at hindi natin dapat palampasin ang ganitong panggigipit,” ani Estrada.

Batay sa mga ulat, pinaputukan umano ng CCG ng high-pressure water cannon ang BRP Datu Pagbuaya bago ito banggain sa hulihan, dahilan ng bahagyang pinsala sa barko. Ayon kay Estrada, may mga kahalintulad nang insidente noon, kabilang ang nangyari noong 2024 kung saan tinarget ng parehong CCG vessel ang exhaust system ng barko at binangga rin ang bahagi nito.

Pinuri niya ang mabilis na paghahain ng Department of Foreign Affairs ng diplomatic protest. “Suportado ko ang mabilis na aksyon ng DFA sa paghahain ng protesta laban sa panibagong paglabag na ito. Kailangang ipakita natin na hindi tayo magpapatinag sa ating karapatan at sa ating mga marino,” dagdag niya.

Naganap umano ang banggaan malapit sa Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group na sakop ng exclusive economic zone ng bansa. Iginiit ng mga awtoridad ng China na “ilegal” na pumasok ang Philippine vessel sa katubigang malapit sa Sandy Cay, subalit kinondena ng mga opisyal ng Pilipinas ang ginawang maniobra ng CCG na itinuturing nilang mapanganib at labag sa international law.

Ayon kay Estrada, hindi dapat tingnan ang pinakahuling pangyayari bilang hiwalay na insidente kundi bahagi ng isang malinaw na pattern na dapat tugunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng matatag at tuluy-tuloy na aksyon. “Hindi tayo dapat manahimik. Dapat nating ipaglaban ang ating karapatan, hindi lang para sa ating kasalukuyang henerasyon kundi para sa mga susunod pa,” aniya.