Calendar
Nagpamaneho ng musmos sa viral video suspendido ang lisensiya
SINUSPENDE pansamantala ng Department of Transportation (DOTr) ang lisensiya ng isang driver na pinayagang magmaneho ang isang bata sa kanilang sasakyan, matapos mag-viral ang video sa social media.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng DOTr na ang 90-araw na suspensyon ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang disiplina sa kalsada para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit nito.
Sa isang show-cause order, ipinatawag ang may-ari ng sasakyan na si Gladys Gonzales upang humarap sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City sa Miyerkules at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng kaso.
Posibleng maharap si Gonzales sa administrative charges gaya ng reckless driving, hindi pagsuot ng seatbelt, pagpayag sa isang bata na umupo sa harapan ng sasakyan at pagpayag sa isang hindi kwalipikadong tao na magmaneho ng sasakyan
“In the interim, the MG Sedan with the conduction sticker no. RP915A is placed under alarm while under investigation due to the severity of the violations committed,” ayon sa kautusan.
Sa isang video na ipinost sa Threads social media platform noong Sabado, makikitang may batang nakaupo sa kandungan ng driver ng MG sedan habang ito ay nagmamaneho sa Butuan City.
Parehong walang suot na seatbelt ang driver at ang bata sa nasabing video. Philippine News Agency

