Hontiveros

Hontiveros, Aquino suportado pagsasapubliko ng SALN

261 Views

BUONG pagsuporta ang ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros sa pag-alis ng aniya’y “hindi makatarungan, labag sa Konstitusyon at laban sa mamamayan” na mga limitasyon sa pag-access sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.

“I strongly support and welcome the removal of the unjust, unconstitutional and anti-people restrictions on access to public officials’ SALNs,” ayon kay Hontiveros na naggiit ding handa siyang ilabas ang sarili niyang SALN alinsunod sa mga patakaran ng Senado.

Binigyang-diin ng senadora na itinatadhana ng 1987 Konstitusyon at iba pang batas ang paghahain at pagbubunyag ng SALN upang mapanatili ang katapatan at pananagutan sa pamahalaan.

“May karapatan ang taumbayan na bantayan ang gawain ng mga lider ng pamahalaan, lalo na ukol sa korapsyon at tagong yaman,” aniya.

Dagdag pa ni Hontiveros, sa gitna ng galit ng publiko sa mga ulat ng kurapsyon, mahalagang hakbang ang pagbubukas ng SALN sa publiko bilang pagpapatibay ng transparency at accountability.

Hinimok din niya na ipatupad nang pantay-pantay ang bagong patakaran sa lahat ng opisyal ng gobyerno—“mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, noon man o ngayon”—na may makatwirang pag-iingat sa mga sensitibong personal na impormasyon.

Samantala, kinatigan din ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino ang pagbabalik ng publikong pag-access sa SALN ng mga opisyal. “Alam mo, unang pasok ko pa lang sa gobyerno, 24 years ago, mayroon nang SALN requirements. Nawala lang ito through the past years. Kaya nararapat lang na ibinalik ito ng Ombudsman — na ang mga SALN ay dapat isapubliko,” aniya.

Dagdag pa ni Aquino, ang pagbabalik ng ganitong transparency ay mahalaga sa pagbubuo ng tiwala ng taumbayan.

“Magandang hakbang ito para masimulan na ang paglilinis ng ating gobyerno. Itong pagiging normal ng transparency mahalaga ito, at sana isa ito sa mga unang hakbang patungo sa hinahanap ng taumbayan na mas malinis na gobyerno sa ating bansa,” dagdag pa ng senador.