Calendar
DTI hinimok i-ban mga kumpanyang sangkot sa mga ghost projects
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng permanenteng pagbabawal sa mga shareholder, incorporator, at opisyal ng mga kumpanyang sangkot umano sa mga ‘ghost’ at substandard na proyektong imprastraktura ng gobyerno.
Sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang pondo ng DTI para sa 2026, sinabi ni Gatchalian na dapat palawakin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang parusa hindi lang sa mga kumpanya kundi pati sa kanilang mga may-ari at opisyal.
“Napakadaling gumawa ng korporasyon dito, at pare-pareho lang ang mga shareholder,” aniya. “Ang suggestion ko, i-ban ang mga shareholder at incorporator. Mag-iincorporate na naman sila at papalitan lang ang pangalan ng kumpanya. Dapat hindi na sila sumali sa mga proyekto ng gobyerno.”
Ipinanukala rin ni Gatchalian na sundin ng PCAB ang polisiya ng Government Procurement Policy Board (GPPB), kung saan isinasama sa blacklist ang mga shareholder at kamag-anak ng mga kumpanyang lumalabag sa patakaran sa bidding. Ang GPPB ang pangunahing ahensya sa mga patakaran ng pampublikong procurement sa bansa.
“Kailangan nating parusahan ang mga supplier at kontratista na ito,” diin niya. “Kahit parusahan sila ng PCAB, nakakaya pa rin nilang sumali sa iba pang kontrata ng gobyerno, kabilang ang mga proyekto ng supply. Kaya dapat makipag-ugnayan din sa GPPB. Kapag ban na sa PCAB, dapat ban na rin sa GPPB at vice versa.”
Ayon kay Gatchalian, mahalagang pagtibayin ang koordinasyon ng mga ahensya upang mapigil ang mga mapanlinlang na kontratista sa paggamit ng bagong pangalan para makabalik sa mga proyekto ng gobyerno.

