SALN

SALN handang ipakita ng mga senador

266 Views

UNAHIN si dating Ombudsman Samuel Martires?”

Ito ang mariin na panawagan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Office of the Ombudsman na ilabas ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni dating Ombudsman na si Martires, kung saan ay iginiit ni Pangilinan na dapat magsimula ang transparency sa mga opisyal na nagpapatupad ng mga patakaran na pumigil sa pampublikong pag-access ng naturang dokumento.

“We really should go back to opening our SALN to the people,” ayon kay Pangilinan. “Unahin niya ilabas yung SALN ni dating Ombudsman Martires mula nung umupo ito bilang Supreme Court Justice hanggang sa pagbaba nito sa pwesto bilang Ombudsman nitong 2025. Baka sakali magkaalaman na bakit tutol ito sa paglabas ng SALN,” dagdag pa niya.

Malugod na tinanggap ni Pangilinan ang desisyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na alisin ang mga limitasyon sa pag-access ng SALN na ipinatupad noong panahon ni Martires. Ayon sa kanya, malinaw sa batas na dapat gawing bukas sa publiko ang mga dokumentong ito bilang bahagi ng transparency at accountability.

Sinabi rin ni Pangilinan na kapag hindi tumutugma ang yaman ng isang opisyal sa kanyang deklarasyon o sa kanyang nakikitang pamumuhay, maaari itong ituring na prima facie evidence ng ill-gotten wealth at responsibilidad ng opisyal na patunayan kung ito ay lehitimo.

“May presumption, may prima facie presumption that it is ill-gotten if there is a disparity between what is in the SALN,” ani Pangilinan, na binanggit ang mga mamahaling gamit na hindi nakasaad sa deklarasyon.

Sa ilalim ng pamumuno ni dating Ombudsman Martires, kinailangan ng mga humihiling ng SALN na kumuha ng notarized consent mula sa mismong opisyal bago ito mailabas—isang patakarang sinabi ni Martires na layuning pigilan ang umano’y “weaponization” ng SALN laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Gayunman, tinuligsa ito ng ilang mambabatas at mga grupong nagsusulong ng transparency dahil taliwas umano ito sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

“Dati rati naman talaga kapag may legit na humingi, ready kami ipakita ito. For some, nagbago na lang ang patakaran. I think tama ang bagong Ombudsman na gawin transparent ang lahat. At iyan ay nasa batas. Maliwanag ang batas na dapat ay bukas ang SALN sa pagbusisi ng taumbayan,” giit ni Pangilinan.

Samantala, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na handa ang mga senador na ipakita ang kanilang SALN, at dapat pahintulutan ang mga lehitimong organisasyon at media na humiling ng kopya nito.

Paliwanag ni Gatchalian, hindi sapat na ilista lamang ng mga opisyal ang mga kumpanyang pag-aari o konektado sa kanila; dapat ding ideklara kung ang mga kumpanyang iyon ay may negosyo sa gobyerno. “It’s not only nakasulat ang contractor, pati ang negosyo ng contractor which is an added step,” aniya.

Dagdag pa niya, maaaring i-redact ang mga sensitibong personal na impormasyon para sa seguridad, ngunit dapat manatiling bukas sa publiko ang asset at liability declarations.

“Ang mga public servants natin alam natin kung ano ang kanilang ari-arian, tugma ba ito sa kanilang kinikita,” wika ni Gatchalian, na nagbabala rin na ang hindi pagdedeklara ng negosyo o bank account ay maaaring maging batayan ng kaso at diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.