Calendar
Pagbabalik ng regulatory powers ng NFA giniit na ibalik
IGINIIT ni Sen. Francis Kiko Pangilinan na dapat lamang ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) para mabigyan ng tamang proteksyon ang mga magsasakang Pilipino.
Nanawagan si Sen. Pangilinan na ibalik ang regulatory powers ng NFA at magtakda ng makatotohanang floor price para sa palay, sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig ng Senado ukol sa reporma sa sektor ng bigas.
Pinamumunuan ni Pangilinan ang pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na tumatalakay sa mga panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RA 11203) at pagbubuo ng pambansang programa para sa rice industry.
“Government must have the power to intervene in the market when necessary, especially during times of crisis,” ani Pangilinan, habang inalala ang rice price cap noong 2023 na humantong sa ₱400 milyong ayuda sa maliliit na rice retailers.
Nagbabala si Agriculture Undersecretary Roger Navarro-Morales sa mga panganib ng hindi tugmang price control. Aniya, kapag malayo ang itinakdang presyo sa aktwal na presyong umiiral sa merkado, nagkakaroon ng kakulangan ng suplay, black market, at hindi patas na bentahan.
Tinukoy ni Morales ang price cap na ₱41/kilo para sa regular-milled rice at ₱45/kilo para sa well-milled rice noong Setyembre 2023, habang ang tunay na bentahan sa pamilihan ay nasa ₱48 at ₱53. Bilang tugon, nagbigay ang pamahalaan ng ₱15,000 ayuda kada retailer sa ilalim ng cash aid program ng DSWD.
Giit ni Morales, maaari lamang maging epektibo ang floor pricing kung ito ay pinagkakasunduan ng gobyerno, mga magsasaka, at mga mamimili. Binigyang-halimbawa niya ang sistema sa industriya ng tabako (PD 627) at sa minimum wage setting (RA 6727), kung saan ang presyo ay batay sa konsultasyon at aktual na datos ng merkado.
Kinumpirma ni Dr. Roehlano Briones ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang paninindigang ito. Sa kanyang presentasyon na pinamagatang “Policy of Setting a Floor Price for Palay,” binigyang-diin niya na ang matigas o hindi akmang polisiya sa presyo ay maaaring magdulot ng artificial shortage, enforcement problems, at pagkawala ng kita sa mga magsasaka.
Ipinunto rin ni Briones ang Section 25 ng RA 7607 (Magna Carta for Small Farmers) na nagsasaad na ang price support ay dapat abot-kaya ng mamimili at tumutugma sa kalagayang pang-ekonomiya.
Kasabay ng pagdinig, tinalakay din ang nilalaman ng Senate Bill Nos. 284 at 1346. Layunin ng mga panukala na bawiin ang RA 11203, ibalik ang mandato ng NFA sa pagbili ng palay at buffer stocking, at itatag ang Philippine Rice Industry Development Program (PRIDP).
Nakasaad sa PRIDP ang pagsasama-sama ng mga programa ng DA, PhilRice, ATI, at mga LGU sa iisang roadmap para sa rice sector. Kabilang dito ang pagtatatag ng rice competitiveness office, pagpapatupad ng mga tariff safeguards, at pagbuo ng Rice Industry Development Fund (RIDF) na popondohan mula sa tariffs, kita ng NFA, at pambansang pondo.
Kasama sa mga dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture, NFA, Department of Finance, DTI, PSA, Bureau of Customs, IRRI, SINAG, KMP, PIDS, at iba pang stakeholders mula sa sektor ng agrikultura.
Habang nagpapatuloy ang pagtalakay, iginiit ni Pangilinan na kailangang maagap, makatotohanan, at sistematikong tugunan ng gobyerno ang mga isyung bumabalot sa bigas. “We need to act decisively and realistically. Food security cannot wait,” aniya.

