Calendar
Transport hubs, bus terminals suriin para sa Undas–LTFRB sa RDs
INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, ang lahat ng regional directors (RDs) na mag-inspeksyon ng mga bus terminals at iba pang transport hubs bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero sa Nobyembre 1 at 2.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, inutusan na rin ang lahat ng bus companies at transport operators na tiyaking ligtas, maayos at komportable ang kanilang mga terminal para sa mga pasahero.
“Tapusin na natin ang nakagawiang parang utang na loob pa ng mga pasahero ang pagsakay sa mga bus at pampublikong sasakyan. Ang mga pasahero ang lifeline ng inyong negosyo—igalang sila sa pamamagitan ng malinis, presentable at komportableng mga hintayan,” ani Chairman Mendoza.
Partikular na binigyang-diin ni Chairman Mendoza ang kahalagahan ng malinis at maayos na comfort rooms (CRs) sa mga terminal. “Dapat gumagana ng maayos ang mga CR, maliwanag, maaliwalas, at libre o may minimal na bayad lamang sa mga pasahero,” aniya.
Kabilang din sa mga rekisito ng LTFRB ang pagkakaroon ng maayos at komportableng hintayan para sa mga pasahero.
“Sa ilalim ng ating pamumuno, magiging regular na ito. Hindi lang tuwing Undas, Pasko, o Semana Santa. Magkakaroon tayo ng random checking kahit isang beses kada buwan,” giit ni Chairman Mendoza.
Binigyang-diin din ng LTFRB Chairman ang kahalagahan ng maayos na proseso ng booking para sa lahat ng pasahero.
“Nakikiusap tayo sa mga bus companies na paalalahanan ang kanilang mga empleyado na huwag maging masungit sa mga pasahero. Sisiguraduhin nating susundin nila ito,” dagdag pa niya.
Upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin, magsasagawa ang LTFRB ng nationwide deployment ng mga ‘mystery passengers’ simula Oktubre 24 upang suriin ang kalagayan ng mga bus terminal at transport hubs.

