Rodriguez

E-visa plan para sa turistang Intsik banta sa pambansang seguridad — Rodriguez

203 Views

Lungsod ng Cagayan de Oro, Ikalawang Distrito – Nanawagan si Rep. Rufus Rodriguez noong Huwebes kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ipatigil ang planong e-visa (electronic visa) ng embahada ng Pilipinas sa Beijing para sa mga turistang Tsino na bibisita sa bansa.

“Mariin akong tumututol sa planong ito ng ating embahador na si Jaime FlorCruz. Dapat sabihan ng Pangulo si G. FlorCruz na itigil ito,” ani Rodriguez.

“Ang presensya ng mga mamamayang Tsino sa ating bansa ay nagdudulot ng panganib sa ating mga komunidad at pambansang seguridad. Marami sa kanila ay mga espiya at kriminal na sangkot sa kidnapping-for-ransom, ilegal na sugal, at iba pang iligal na aktibidad. Patunay nito ang kamakailang pag-aresto sa mga espiya at kriminal na Tsino,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Rodriguez na ang mga nahuling espiya ay inabutang nagmamanman sa mga sensitibong pasilidad at ahensya, kabilang na ang mga kampo-militar at maging ang Commission on Elections (Comelec).

Sa pag-anunsyo ng plano, sinabi ni FlorCruz na magiging mas “maginhawa” ang proseso ng pagkuha ng visa para sa mga turistang Tsino na bibisita sa Pilipinas.

Ngunit giit ni Rodriguez, ang kailangan ng bansa ay isang mahigpit na proseso na nangangailangan ng personal na pagharap at masusing beripikasyon sa mga aplikante ng visa at kanilang mga dokumento, upang mapigilan ang pagpasok ng mga espiya at kriminal mula sa Tsina.

“Ang planong ito ni FlorCruz ay taliwas sa pambansang polisiyang isinusulong ni Pangulong BBM sa gitna ng patuloy na pang-aabuso ng Tsina sa West Philippine Sea,” ani Rodriguez.

“Buong giting na ipinaglalaban ng Pangulo ang ating soberenya, at mariing kinukondena ang bawat agresyon ng Tsina. Ang plano ni G. FlorCruz ay nagpapahina sa paninindigang ito, at maaaring tingnan bilang kahinaan ng Pangulo at ng ating bansa,” dagdag pa niya.

Hinimok ni Rodriguez si FlorCruz na “mas pagtibayin at ipaglaban ang pambansang interes sa halip na magpanukala ng mga plano na pabor sa kaginhawaan ng mga Tsino.”

“Madalas ay nananahimik siya sa mga insidente ng panggigipit ng mga Tsino sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea,” sabi ni Rodriguez.

Nanawagan din ang mambabatas mula sa Mindanao sa gobyerno na hanapin ang libo-libong mga Chinese POGO stragglers at mga kriminal na patuloy na gumagala sa mga lungsod at maging sa mga kanayunan.

Binanggit niya na nitong linggo lamang, 12 Tsino ang naaresto sa Tacloban City dahil sa pagtatrabaho nang walang kaukulang permit at visa.

Tinukoy din niya ang pahayag ni dating PAOCTF Undersecretary Gilbert Cruz, bago ito pinalitan, na may hanggang 10,000 Chinese POGO workers pa ang nananatili sa bansa.

“Dapat ipagpatuloy ng mga kinauukulang ahensya ang paghahanap sa kanila. Maaaring patuloy silang nasasangkot sa mga iligal na aktibidad gaya ng paniniktik at ilegal na sugal. Dapat agad silang ipa-deport kapag nahuli,” pagtatapos ni Rodriguez.