DOH

Code white alert itinaas ng DOH para sa bagyong Ramil

433 Views

IDINEKLARA ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert kaugnay ng inaasahang pag-landfall ng Bagyong #RamilPH ngayong hapon.
Sa ilalim ng code white alert, tuloy-tuloy ang monitoring ng DOH Operations Center at naka-antabay na ang mga gamot, medical equipment, at Health Emergency Response Teams para tumugon sa mga maaapektuhang rehiyon sa bansa.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng hapon na bahagyang humina si Bagyong Ramil habang nasa baybaying-dagat ng Northern Samar.

Dakong ala-1 ng hapon, tinatayang si Ramil ay nasa baybaying-dagat ng Laoang, Northern Samar, kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras, taglay ang lakas ng hangin na hanggang 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at bugso ng hangin na umaabot sa 90 kilometro bawat oras.

Inaasahan ng weather bureau na magla-landfall si Ramil sa Catanduanes sa hapon o gabi ng Sabado, at sa Camarines Sur naman sa gabi o madaling araw ng Linggo.

Ayon pa sa PAGASA, kung bahagyang lilihis pa-timog ang tinutumbok ng bagyo, maaari itong mag-landfall sa Albay o Sorsogon sa hapon o gabi ng Sabado.

Batay sa tinatayang landas nito, magpapatuloy si Ramil sa pagkilos pa-kanluran hilagang-kanluran habang tinatahak ang kalupaan o baybayin ng Bicol Region mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga.

Pagkatapos nito, dadaanan o lalapit si Ramil sa Polillo Islands sa umaga ng Linggo, bago tuluyang mag-landfall sa bahagi ng Aurora sa umaga o hapon ng Linggo.

Gayunman, hindi isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad na sa hilagang bahagi ng Quezon o timog bahagi ng Isabela ito tuluyang mag-landfall imbes na sa Aurora.

Matapos tumama sa lupa sa Aurora, tatahakin ni Ramil ang mabundok na bahagi ng Hilagang Luzon at muling lalabas sa baybaying-dagat ng Pangasinan o La Union sa Linggo ng gabi.

Inaasahang lalabas na si Ramil sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga, ayon sa PAGASA.

Samantala, batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 12 pantalan sa Calabarzon ang nakapagtala ng kanseladong biyahe dahil sa bagyo, at tinatayang 90 pasahero ang stranded nitong Sabado ng umaga.