Calendar
Source: Department of Foreign Affairs FB
DFA itinanggi mga akusasyon, sinabing pagkansela ng passport base sa legal criteria, di politika
ITINANGGI ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga paratang na ito’y “lawyering” para sa nagbitiw na si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ito’y sa gitna ng mga panawagang kanselahin ang pasaporte ni Co.
Naglabas ng pahayag si DFA Spokesperson Angelica Escalona noong Biyernes ng gabi matapos ang mga sinabi ni Rep. Toby Tiangco na nagtatanong kung bakit tila ipinagtatanggol ng DFA si Co sa isyu ng hindi agad pagkansela ng kanyang pasaporte.
Tinukoy ni Escalona na ang paratang na ito’y “reflects a misunderstanding of the legal standards governing passport cancellation.”
Binigyang-diin niya na ang pagkansela o pagbawi ng pasaporte ay isang proseso na nakabatay sa mga itinakdang legal na pamantayan at “is not subject to arbitrary or political considerations.”
“Our respect for the constitutional guarantee of due process and the rule of law cannot be rewritten on a whim – the government cannot simply play ‘gotcha’ with passports,” ani Escalona.
“If Congressman Tiangco has genuine concerns and substantive evidence, he should seek judicial relief, rather than indulge in baseless accusations. Upholding the rule of law, not rhetoric, must remain the compass of public service,” dagdag niya.
Sa isang press briefing noong Biyernes, sinabi ni Tiangco na may kapangyarihan ang DFA na kanselahin ang pasaporte ni Co, at tinanong kung bakit hindi ito agad kumikilos gayong may panawagan na mula sa publiko na ibalik agad sa Pilipinas ang dating mambabatas.
“Hindi ba dapat kanselahin n’yo, tapos pabayaan n’yo ang abogado niyang kuwestiyunin sa korte ‘yong pagkansela. Bakit parang tila baga sila pa ang nag-aabogado sa pagkansela,” aniya.
Ipinaliwanag ni Escalona na sa ilalim ng New Passport Law, maaari lamang kanselahin o bawiin ng DFA ang isang pasaporte kung ito ay nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang, na-tamper o binago, naibigay nang may pagkakamali, o kung may utos mula sa korte dahil sa pagkakakulong sa isang krimen o pagiging fugitive ng batas.
Si Co, na inaakusahan ng pagtanggap ng kickbacks mula sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control, ay lumipad patungong Estados Unidos upang magpagamot.
Binawi na ng Kamara de Representantes ang kanyang travel clearance. Philippine News Agency
