Calendar
Valeriano suportado na palitan na makalumang National Building Code
BUNSOD ng banta ng kalamidad at iba pang sakuna na sinesegundahan pa ng umiiral na anomalya sa mga public works tulad ng mga gusali, tulay at kahalintulad nitong proyektong imprastraktura, sinusuportahan ng Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si Manila 2nd District Representatative Rolando “CRV” M. Valeriano ang panukalang batas na naglalayong palitan ang napakatanda ng National Building Code (Presidential Decree 1096).
Ayon kay Valeriano, halos 48 taon ng ipinapatupad ang PD No. 1096 kung kaya’t napapanahon na upang ito ay palitan sa pamamagitan ng isinulong na limang panukalang batas kung saan ang House Bill No. 1500 ang mag-aamiyenda o mago-overhaul sa mga nilalaman ng naturang batas.
Sinabi ng kongresista na sinisikap ng Kamara de Representantes na rebisahin o i-overhaul ang National Building Code mula pa noong 2014 subalit sa kasamaang palad aniya, ang lahat ng mga isinulong na panukalang batas para sa layuning ito ay hindi nagtagumpay o hindi naisabatas ang mga inihaing panukala.
Nabatid kay Valeriano na ang tanging panukalang batas na naihain para sa revision ng PD No. 1096 ay ang House Bill No. 8500 noong nakalipas na 19th Congress bagama’t muli itong inihain (refiling) sa pamamagitan ng HB No. 1500.
Ipinaliwanag ng mambabatas na sa pamamagitan ng bagong National Building Code madali ng matutuhunan o maa-address ang mga umiiral na problema patungkol sa unsafe at substandard na gusali kasama na dito ang mga itinatayong bahay, kalsada, tulay, school buildings at iba pang mga imprastraktura.

