Viado

BI taos-pusong pinahahalagaan mga puna sa serbisyo ng ahensya

Jun I Legaspi Oct 24, 2025
293 Views

IPINAHAYAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na taos-puso nilang pinahahalagahan ang anumang puna na natatanggap kaugnay sa serbisyo ng ahensya.

Ang pahayag ay kasunod ng isang kolum na kamakailan lamang nailathala, kung saan ibinahagi ng dalawang pasahero ang kanilang karanasan sa isinagawang inspeksyon sa paliparan.

Kinilala sa artikulo ang kahalagahan ng beripikasyon, lalo na sa harap ng mataas na bilang ng mga kaso ng human trafficking sa bansa. Gayunman, binanggit ng mga manlalakbay na sila ay nakaranas ng diskriminasyon dahil sa hindi umano “pagkasuot ng mga branded na kasuotan… gaya ng mga NEPO babies.”

Ayon kay Viado, ang mga pagsusuri sa paliparan ay bahagi ng pagsisikap ng BI na protektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking, alinsunod sa mandato ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pagpapatupad ng Republic Act 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.

Ipinaliwanag din niya na hindi batayan ng mga opisyal ang panlabas na anyo ng mga pasahero, kundi ang pagkakakitaan ng hindi tugmang pahayag at dokumento.

“Lubos naming pinahahalagahan ang pang-unawa na ang aming mga opisyal ay gumaganap ng isang mahirap ngunit mahalagang tungkulin—ang protektahan ang ating mga kababayan laban sa trafficking at illegal recruitment,” aniya. “Nakakalungkot na hindi naging kaaya-aya ang kanilang karanasan. Nauunawaan naming maaaring makaramdam ng discomfort ang ilang pasahero, lalo na kung unang beses nilang bumiyahe. Ikinalulungkot naming hindi naging maginhawa ang proseso para sa kanila. Hamon sa amin ang maisagawa ito nang may paggalang at malasakit sa bawat interaksiyon,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat si Viado sa may-akda ng kolum sa pagbabahagi ng karanasan, at sinabing mahalaga sa ahensya ang bawat puna at kwento upang matukoy kung saan pa maaaring mapabuti ang serbisyo.

“Ang pakikinig sa publiko ang susi sa pagpapabuti ng pamahalaan,” ani Viado. “Ganyan ang Bagong Immigration—nakikinig at patuloy na pinag-aaralan kung paano mapabuti ang serbisyo.”

Ibinahagi rin niya na ang mga nalalapit na pagsasanay para sa mga bagong frontline immigration officers ay magpapatuloy sa pagtutok sa soft skills development, partikular sa kagandahang-asal, komunikasyon, at pakikitungo sa publiko.

“Marami na tayong pagbabagong naisakatuparan,” ani Viado. “Isa sa mga prayoridad natin ngayon ay ang pagpapabuti ng paraan ng pakikipag-usap ng ating mga opisyal sa mga pasahero—kung paano sila magpaliwanag, magbigay ng katiyakan, at magpakita ng malasakit habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.”

Dagdag pa niya, nakikita na ng ahensya ang positibong resulta, kung saan mas maraming pasahero ang nagpapahayag ng pasasalamat sa propesyonalismo at pasensya ng mga opisyal ng BI, maging sa personal na pakikipag-ugnayan at sa social media.

“Lubos ang aming pasasalamat sa mga pasaherong nakapansin sa mga pagbabagong ito,” ani Viado. “Marami pa tayong kailangang gawin, ngunit ang mga ganitong puna ay nagsisilbing gabay sa patuloy naming pagsulong sa tamang direksyon.”