Undas

Undas ’25 napaghandaan ng Manila

Edd Reyes Oct 24, 2025
400 Views

BINALANGKAS na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kung paano paghahandaan ang Undas 2025 na nakasentro sa kaayusan, disiplina at kooperasyon ng publiko na bibisita sa puntod ng namayapang mahal sa buhay.

Iniutos na ng alkakde na bawal sa lahat ng uri ng sasakyan anh pumasok sa Manila North at South Cemetery, maging sa Islamic Cemetery, mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

Bawal na rin maglilinis at magpintura ng mga puntod paglagpas ng Oktubre 27.

Bukas ng mga Kampo Santo ng mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi.

Magkakaroon din ng digital platforms ang Manila North at South Cemetery na tatampukan ng online “Puntod Finders” na makakatulong sa mga maghahanap ng puntod ng kanilang mahal sa buhay, pati na paglalagay ng tag sa mga bata, senior citizens, at persons with disabilities.

Ayon sa alkalde, bawal ding ipasok sa loob ng sementeryo ang lahat ng klase ng patalim, nakalalasing na inumin, alagang hayop, malalakas na sound system, at mga flammable materials tulad ng alcohol at thinner.

“Wag n’yo na pong balakin. Nagtanim na po kami ng mga naka-civilian na pulis at may mga CCTVs.

Tandaan ninyo, ang mga tao po diyan ay bumibisita sa kanilang mga mahal sa buhay. Baka sa susunod, kayo na ang bisitahin,” banta pa ng alkalde sa mga tolongges.

Bagama’t may mga tauhan aniya ang Department of Public Services (DPS) na mangangasiwa sa kalinisan, pinaalalahanan ni Yorme Isko ang publiko na itapon ang kanilang basura sa tamang tapunan at iwasan ang magtinda sa loob ng sementeryo.