SALN

Mga senador inilabas ang kanilang mga SALN

347 Views

HINDI nag-atubili si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa lumalawak na hanay ng mga mambabatas na boluntaryong nagsapubliko ng kanilang 2024 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), kasabay ng panawagan para sa pormal na batas na mag-uutos ng regular at transparent na paglalabas ng yaman ng mga opisyal.

Idineklara ni Pangilinan ang net worth na P37.2 milyon, na binubuo ng P47 milyon sa kabuuang assets at P9.8 milyon sa mga utang, kabilang ang business loan at amortisasyon ng ari-arian. “Sa gitna ng panawagan para sa malinis na pamahalaan, dapat lang na maging bukas tayo sa publiko. Dapat gawing mandatory ang paglalabas ng SALN,” ayon sa kanya.

Ilan pang senador na nagsumite at nagsapubliko ng kanilang SALN ay sina Deputy Majority Leader Risa Hontiveros, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian at si Senador Robin Padilla.

Binigyang-diin ni Sotto na ang malinaw na pag-uulat ng yaman ay susi sa pagbabalik ng tiwala ng publiko, lalo na sa gitna ng paulit-ulit na kawalan ng pananagutan sa mga kaso ng katiwalian.

“Pero sa isang banda basta nakita nila na maliwanag at maayos, palagay ko naman babalik ang tiwala nila pareho ng dati,” aniya sa panayam ng DWIZ.

Idineklara ni Hontiveros ang net worth na P18.9 milyon at tinawag na “hindi makatarungan, labag sa konstitusyon, at kontra sa interes ng mamamayan” ang mga dating limitasyon sa akses ng SALN. Matagal na niyang isinusulong ang pagbubukas ng mga dokumentong ito bilang bahagi ng pananagutan sa serbisyo publiko.

Samantala, si Gatchalian ay nagdeklara ng P135 milyon na net worth, karamihan mula sa real estate at investment holdings. “Wala akong itinatago. Lahat dapat malinaw. Kung tunay tayong nagsisilbi, hindi dapat ikinakatakot ang SALN,” aniya sa isang panayam sa telebisyon.

Naglabas din si Padilla ng SALN kung saan makikita ang net worth na P45.7 milyon. Bilang tagapangulo ng Senate committee on public information and mass media, aniya sa kanyang pahayag sa social media: “Hindi ito para sa publicity. Tungkol ito sa pananagutan. Hindi tayo exempted.”

Ang sunod-sunod na boluntaryong pagsisiwalat ay kasunod ng kautusan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nagpapawalang-bisa sa 2020 memo ni dating Ombudsman Samuel Martires. Sa ilalim ng bagong patakaran, hindi na kailangan ang pahintulot ng opisyal upang ma-access ang SALN ng mga matataas na opisyal gaya ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Dahil dito, lumalakas ang panawagan na pagtibayin sa batas ang sistematikong paglalathala ng SALN — halimbawa, sa loob ng 30 araw mula sa pagsusumite — sa pamamagitan ng opisyal na online platform o database ng pamahalaan.

Ayon sa ilang tagamasid, ang hakbang na ito ay maaaring hudyat ng pagbabago sa pananaw ng mga lider sa isyu ng pananagutan, sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon at pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa mga institusyon.