Valeriano

Valeriano nananawagan sa mga retiradong opisyal ng AFP na maging mahinahon

Mar Rodriguez Oct 25, 2025
279 Views

NANANAWAGAN si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano sa mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maging mahinahon at pairalian pa rin nila ang propesyunalismo kahit hindi na sila aktibo sa serbisyo alang-alang na lamang sa katahimikan at kaayusan ng ating bansa.

Ang pahayag ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Public Order and Safety, ay kaugnay sa napaulat na ilang retiradong general sa AFP ang nananawagan ng pag-aaklas laban sa gobyerno kung saan pinag-aaralan naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nasabing opisyal.

Dahil dito, pinayuhan ng kongresista ang mga nasabing retiradong opisyal na huwag magpadalos-dalos at sa halip ay maging mahinahon sapagkat lalo lamang magiging maligalig ang sitwasyon sa bansa sakaling ipagpatuloy nila ang pina-plano nilang pag-aaklas laban sa pamahalaan.

Pagbibigay diin ni Valeriano na dapat isa-alang alang din ng mga retiradong general na ang pangunahing maaapektuhan o ang tinatawag na “collateral damage” sa ikakasa nilang pag-aaklas ay ang mga inosenteng mamamayan na ang tanging hangad lamang ay ang pagkakaroon ng kaayusan sa pamahalaan.

Para kay Valeriano, hindi umano masusulusyunan ng karahasan ang kasalukuyang suliranin na kinakaharap ng ating bansa sa pamamagitan ng pag-aaklas dahil lalo lamang lalaki ang problema habang ang mga mamamayan naman ang maiipit sa hidwaan ng magkabilang panig.

Dagdag pa ng mambabatas na sa halip na pag-aaklas. Mas makabubuti aniyang maglatag na lamang ng mga panukala ang mga retiradong general kung papaano mareresolba ang katiwalian sa pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-tulungan.

Sinabi pa ni Valeriano na napatunayan na sa mga nagdaang kasaysayan na walang kudeta ang naging matagumpay at wala ring kudeta ang nakapag-bigay ng solusyon sa problema ng bansa. Bagkos, ito ay nagdulot lamang karahasan at tensiyon sa mga inosenteng sibilyan.