Calendar
Source: DHSUD
Nat’l Housing Expo ’25 patunay ng muling pagbangon ng sektor ng pabahay
ITINUTURING na isang malaking tagumpay ang kauna-unahang National Housing Expo 2025 na inisyatibo ng pamahalaan, at isang matibay na patunay sa sigla at muling pagbangon ng sektor ng pabahay at real estate sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang pahayag ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling sa pagtatapos ng dalawang-araw na expo nitong Biyernes, kung saan mahigit 50 sa pinakamalalaking pribadong developer sa bansa ang lumahok at tinatayang 20,000 mamimili ng bahay ang dumalo.
“Ang tagumpay ng expo ay patunay na buhay na buhay at matatag ang housing sector sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., at marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nangangarap at nagsusumikap na magkaroon ng ligtas, abot-kaya, at may dignidad na tahanan,” ani Secretary Aliling.
“Kaya naman ang DHSUD, kasama ang aming mga attached agencies, ay doble kayod upang mas maraming pamilyang Pilipino ang matulungang maabot ang pinapangarap nilang tahanan,” dagdag pa niya.
Walang iba kundi si Pangulong Marcos Jr. ang nanguna sa pagbubukas ng expo nitong Huwebes, kung saan muling pinagtibay ang kanyang pangako na magbigay ng marangal na pamumuhay sa pamamagitan ng disenteng at ligtas na pabahay mula sa pamahalaan.
Ginanap sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay, dinagsa ang expo ng libu-libong mamimili ng bahay at tampok ang mga nangungunang pribadong developer sa bansa—isang malinaw na senyales ng muling pagtitiwala sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon.
Nagpatayo ang mga pribadong developer ng mock model units ng kanilang mga proyekto sa ilalim ng Expanded 4PH, kabilang ang condominium at subdivision-type housing, rental housing, at enhanced community mortgage program. Ipinakita rin ang pinakabagong teknolohiya sa konstruksyon ng pabahay at mga uso sa home essentials.
“Ang pagdalo ng libu-libong prospective homebuyers at mga private developers ay sumasalamin sa panibagong interes sa Expanded 4PH na marami nang modality na pwedeng pagpilian ng ating mga kababayan,” ani Secretary Aliling.
Pinangasiwaan ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, ang dalawang-araw na Expo ay nagpapakita ng matatag na ugnayan ng administrasyon at pribadong sektor upang mapalawak ang access sa abot-kaya at marangal na pabahay sa buong bansa.
Higit sa 100,000 bagong yunit ng pabahay at 30,000 acquired assets mula sa Pag-IBIG Fund ang inialok sa mga potensyal na mamimili. Bukod pa rito, nakinabang ang mga dumalo sa on-site consultations, housing loan assessments, at tulong mula sa DHSUD at mga pangunahing shelter agencies nito.
Kabilang sa mga tampok ng expo ang pagkakaloob ng mga certificate of entitlement, titulo ng lupa, at notice of approval sa ilalim ng iba’t ibang programa ng pamahalaan para sa lupa at pabahay.
Ayon kay Secretary Aliling, nagsisilbi ang Expo hindi lamang bilang plataporma upang ipakita ang mga oportunidad sa pabahay, kundi bilang patunay ng matibay na paninindigan ng pamahalaan na iaangat ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng marangal na pabahay, at palakasin ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor.
“Ang inisyatibong ito ay sumasalamin sa sigla at katatagan ng industriya ng pabahay, gayundin sa kolektibong hangarin na maisakatuparan ang bisyon ng isang livable, inclusive, at sustainable na Pilipinas,” kanyang binigyang-diin.
Ang Expo ang nagsilbing pangunahing aktibidad ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2025 na pinangungunahan ng DHSUD, kasabay ng mga housing fair sa mga pangunahing lungsod tulad ng Cebu, Pampanga, Iloilo, Bacolod, Batangas, at General Santos.
“Gaya po ng nabanggit ng ating mahal na Pangulo, ang bahay ay hindi lamang istruktura. Ito ay simula ng pag-asa at pag-angat. Kaya sa ilalim ng Bagong Pilipinas, hindi po tayo titigil hanggang sa matiyak natin na ang bawat pamilyang Pilipino ay may matatawag na tahanan, may mapaglalagyan ng pangarap, at may kinabukasang mararating,” aniya.

