DOE

DOE, ERC, NGCP binusisi sa pagdinig ng Senate panel

275 Views

PINANGUNAHAN nina Senadora Pia S. Cayetano at Senador Sherwin T. Gatchalian ang pagdinig ng Senate Committee on Finance – Subcommittee A kaugnay ng ₱3.8-bilyong panukalang badyet ng Department of Energy (DOE) kung saan tinalakay ang isyu ng nuclear power, transparency sa paggastos, at mga singil ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Si Cayetano, chairperson ng Senate Committee on Energy, ay nagtutok sa mataas na singil sa kuryente at energy transition program ng DOE, habang si Gatchalian, chair ng Finance Subcommittee A, ang namuno sa pagsusuri sa badyet ng DOE at mga attached agencies gaya ng ERC at NGCP.

“Before we move forward with any nuclear power program, we must first ensure that the safety regulator is established and functioning independently,” ani Gatchalian. “The DOE cannot move faster than its own safeguards.”

Tiniyak ni Energy Secretary Sharon S. Garin na maingat ngunit determinado ang DOE sa pagpapatupad ng polisiya. “We are still at the policy and planning stage. No site development or plant construction will proceed until the regulatory body is fully organized and all safety prerequisites are in place,” aniya.

Ayon kay Director Michael O. Sinocruz ng Energy Policy and Planning Bureau, ang circular ng DOE ay “sets the policy framework for integrating nuclear into the generation mix and designates a Pioneer Nuclear Power Plant.”

Bukod sa nuclear issue, binusisi ni Gatchalian ang 65-porsyentong pagtaas sa advertising expenses at 56-porsyentong pagtaas sa donations ng DOE. “Any reason why they increased by more than 50 percent? I consider an increase of 50 percent something substantial. Is there a particular activity why we need donations?” tanong niya.

Ipinaliwanag ni Energy Undersecretary Mario C. Marasigan na ang pagtaas ay dahil sa publication ng mga bagong polisiya at sa “solar rooftop projects for local government units.”

Hinimok ni Gatchalian ang ERC na muling pag-aralan ang desisyon nitong pinapayagan ang NGCP na maningil kahit hindi pa tapos ang mga proyekto. “Walang insentibo para sa kanila na tapusin ang proyekto kasi nangongolekta na sila. Iyan ang dahilan kung bakit marami tayong nakitang naantalang proyekto na humantong sa brownouts,” aniya.

Tinutukoy niya ang ₱28.3 bilyong under recovery na ipapasa sa mga konsyumer. “In short, tayo pa ang may utang sa NGCP,” aniya. “Unfair ’yan sa mga consumers. Hindi ako sang-ayon na magbayad para sa mga proyektong hindi pa nasisimulan o natatapos.”

“Sa halip na maparusahan dahil sa naantalang mga proyekto nito, ginantimpalaan pa ang NGCP dahil sa desisyon ng ERC,” dagdag ni Gatchalian.

Binigyang-diin ni Senadora Pia S. Cayetano na “the cost of power is one of the biggest concerns of the industries” at nanatiling mataas mula 2019 hanggang 2025.

Ayon kay Garin, ang pagtanggal ng 12-porsyentong VAT sa kuryente ay makatutulong sa pagbaba ng singil at ang malinis na enerhiya sa 2030 ay inaasahang magpapababa ng presyo ng ₱1.30 hanggang ₱3 bawat kWh.

Dagdag ni Assistant Secretary Agustus Cesar A. Navarro, bahagi ng badyet ang pagpapatakbo ng Nuclear Energy Division para sa feasibility studies at safety assessments kasama ang PhilATOM at IAEA.

“The Senate supports clean energy,” ani Gatchalian, “but nuclear power demands public trust, and that trust must be earned through transparency.”

“It is not a question of if but when,” ani Garin. “But before we proceed, we assure the Senate and the public that safety and accountability remain our foremost priorities.”