Calendar
Bahagyang pagputok ng Bulkang Kanlaon noong Biyernes ng gabi.
Photo mula kay Canlaon City Administrator Mamerto Bermil
Tatlong minutong bahagyang pagputok nairekord sa Kanlaon Volcano
ISANG bahagyang pagsabog na tumagal ng tatlong minuto ang naganap sa summit crater ng Bulkang Kanlaon gabi ng Biyernes, at dahil sa patuloy na aktibidad nito ay naglabas ng notice to airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ang bahagyang pagsabog ay lumikha ng usok na umabot sa taas na 2,000 metro mula sa bunganga ng bulkan at tinangay patungong hilagang-kanluran.
“Pyroclastic density currents could be seen descending the southern upper slopes within 1 kilometer of the summit crater,” ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nanatili sa Alert Level 2 (moderate level of unrest) ang bulkan sa oras ng ulat.
Bilang bahagi ng mga hakbang sa kaligtasan ng operasyon sa himpapawid, ipinalabas ng CAAP ang sumusunod na NOTAM: “Bulkang Kanlaon: Epektibo mula 24 Oktubre 2025, 8:06 PM hanggang 25 Oktubre 2025, 8:06 PM, na may vertical limits mula sa ibabaw ng lupa hanggang 15,000 talampakan.”
Ayon sa CAAP, mahigpit na pinapayuhan ang lahat ng operator na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan at patuloy na subaybayan ang mga kasalukuyan at paparating na NOTAM para sa mga kaukulang update.
Sinabi ba pa ng CAAP na nananatiling mapagmatiyag at maagap ito sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga operasyon sa himpapawid sa gitna ng nagpapatuloy na aktibidad ng mga bulkan sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na inaasahan ang pagbuga ng abo mula sa Bulkang Kanlaon dahil nasa Alert Level 2 ito.
Ang pagbuga ng abo ay nangyayari kapag may bagong paglabas ng gas at pressure mula sa bulkan.
Pinayuhan ang mga residente sa paligid na isara ang mga bintana at pinto sa panahon ng pag-ulan ng abo. Inirerekomenda rin ang paglalagay ng basang tuwalya o tela sa mga siwang ng bintana at pinto.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong permanent danger zone dahil sa panganib ng biglaang pagsabog, pyroclastic density currents, pagguho ng bato, at pagkakalantad sa mapanganib na gas mula sa bulkan.
Pinaalalahanan din ang mga residente na ang malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng lahar o agos ng putik na may kasamang sediment sa mga ilog at daluyan ng tubig sa paligid ng bulkan.
May kasamang ulat ng PNA

