Gapos2 Ang babaeng biktima na natagpuang nakagapos ang mga kamay at wala ng buhay sa loob ng isang kuwarto sa Sta. Mesa, Manila, habang nahagip naman ng CCTV ang babae na isa sa mga suspek na kasama ng biktima bago maganap ang krimen.

Patay na babae natagpuang nakagapos sa hotel sa Sta. Mesa

Jon-jon Reyes Oct 25, 2025
1003 Views

Gapos1PATAY ang isang bebot at nakagapos pa ang mga kamay nito nang matagpuan sa loob ng kuwarto sa isang hotel sa Sta. Mesa, Manila, Huwebes ng umaga.

Ayon sa pahayag ng Barangay 587, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon at backtracking ng mga pulis na bago ang krimen ay may kasama umano na isang babae at isang lalaki ang hindi pa nakikilalang biktima na kasabay nitong nag-check in sa hotel sa nasabing lugar.

Base sa report ng Manila Police District (MPD) Homicide, bandang alas-6:30 ng umaga nang mahagip ng CCTV ng barangay ang kasama ng bikitma na tila patakas bitbit ang isang helmet at nakasuot ng face mask at salamin, galing umano sa hotel.

Ilang beses pa itong nagpabalik-balik sa hotel hanggang sa lumiko ito ng Reposo Street at ilang saglit ay nakita na ang babaeng suspek na tumatakbo sa kahabaan ng Peralta Street sa Sta. Mesa.

Makalipas ang ilang minuto, ayon sa kuha ng CCTV, isa naman ang tila tumatakbo at hinahanap ang nasabing babae na kasama pala ng biktima sa loob ng hotel.

Ayon pa sa salaysay ng Brgy. 587, hindi na nahagip ang isang lalaki na nagaabang sa kahabaan ng Old Sta. Mesa, Teresa Street, at galing din ito sa loob ng hotel.

Kasabay nito ay namataan ang isang babae na sumakay ng jeep patungong Mandaluyong.

Ayon pa sa barangay, may kakulangan ng mga CCTV ang paligid ng hotel, wala itong security guard at hindi rin nakikipag-ugnayan ang mga empleyado ng hotel sa barangay tungkol sa nangyaring krimen.

Gayunman, nang sinubukang makipag-ugnayan sa hotel ay tumanggi ito at sinabing hindi sa kanila nangyari ang krimen.

Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up at backtracking operation ng mga operatiba ng Homicide sa pamumuno ni Police Major Dave Garcia, hepe ng MPD Homicide Section.