Remulla

Remulla nangako na 5 flood control case ipa-file sa loob ng 30 araw

313 Views

IPINANGAKO ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa Senado na isasampa sa loob ng 30 araw ang unang limang kaso ng katiwalian kaugnay ng mga flood-control project, sa gitna ng matinding panawagan ng publiko para sa pananagutan ng mga sangkot.

Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian, sinabi ni Remulla na binabago ng kanyang tanggapan ang proseso ng imbestigasyon upang matapos ang bawat yugto—mula sa filing, evaluation, hanggang litigation—sa loob lamang ng 60 araw.

“Gusto naming prima facie na may reasonable certainty of conviction bago mag-file ng kaso,” ani Remulla. “Digitization is a priority… we will use our savings to modernize our records and case management system,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat nang makakita ng konkretong aksyon mula sa Ombudsman. “Ilang buwan na nating pinag-uusapan ito… ako mismo wala na akong pasensya,” aniya. Iginiit niyang tutulong ang Senado upang mapabilis ang digital modernization at mapondohan ang mas mabilis na imbestigasyon.

Ayon kay Remulla, bahagi ng ₱6.39-bilyong panukalang pondo ng kanyang tanggapan para sa 2026 ang gagamitin sa full digitization ng mga rekord at case-management system.

Tiniyak din niyang makikipag-ugnayan ang Ombudsman sa Korte Suprema upang magtalaga ng mga special graft court sa mga Regional Trial Court “para mawala na ang ping-pong ng jurisdiction.”

Nagpahayag naman ng suporta si Sen. Loren Legarda sa reporma ni Remulla at hinikayat ang mas mahigpit na aksyon laban sa katiwalian sa procurement at sa mga proyektong pang-kapaligiran.

Natapos ang pagdinig sa pangakong babantayan ng Senado ang pag-file ng mga kasong ito sa Sandiganbayan sa loob ng susunod na mga linggo.