Calendar
222 Pinoys sa Myanmar scam hubs humihingi ng tulong, nagpapasagip
MANILA – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) umaga ng Linggo na may mga Pilipino sa mahigit 1,000 foreign nationals na umaalis ng Myanmar, matapos ang isinagawang raid sa isang malaking online scam hub sa Myawaddy malapit sa border ng Thailand.
Nakatanggap na ang Embahada ng Pilipinas sa Yangon ng kabuuang 222 aktibong kahilingan para sa pagsagip at tulong sa repatriation mula sa mga Pilipino.
Sa bilang na ito, 66 ang naiulat na nakatawid na patungong Thailand habang siyam ang nakarating sa Yangon at kasalukuyang nasa pangangalaga ng embahada.
Sinabi ng DFA na nakikipag-ugnayan ang embahada sa mga awtoridad ng Myanmar upang ma-finalize ang mga proseso ng deportasyon para sa mga nasa holding camps, at upang mapadali ang pagsagip sa mga Pilipinong nananatili pa sa mga compound ng scam hub.
Ayon sa mga lokal na ulat, mahigit 1,000 banyaga ang tumakas mula sa KK Park, isang kilalang scam center sa Myawaddy, noong nakaraang linggo.
Sinabi ng ahensya na masusing binabantayan nito ang sitwasyon matapos makumpirma ang mga operasyon ng mga awtoridad noong Oktubre 20.
“The DFA, in coordination with the Department of Migrant Workers (DMW) and other relevant agencies, remains committed to the safe repatriation of affected Filipinos through established Government-to-Government (G2G) channels and continues to work with both Myanmar and Thai authorities to expedite the process,” pahayag ng DFA.
Pinapayuhan ang mga Pilipino sa mga scam hub at ang kanilang mga pamilya na nais humingi ng tulong para sa repatriation na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Yangon sa mga numerong +959985210993, +959985210998, +959409883434 (Viber), +959985210996, o mag-email sa yangonpe.atn@dfa.gov.ph. Philippine News Agency

