DPWH

‘Leadership fund’, mga ‘Post It’ notes sa mga proyekto sa DPWH ibinulgar

272 Views

IBINUNYAG ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang umano’y seryosong iregularidad sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang pagtanggap ni dating Secretary Manuel Bonoan ng mga sulat-kamay na “memo” mula sa tagalabas ng ahensya at ang pagkakaroon ng tinatawag na “leadership fund” na nagpapahintulot ng maagang pakikialam sa pambansang badyet.

Ayon kay Lacson, nakatanggap si Bonoan ng mga Post-It note na may nakasulat na proyekto mula sa mga sibilyang walang opisyal na ugnayan sa DPWH. Ang mga ito umano’y hindi dumaan sa tamang proseso at diretsong iniabot kay Bonoan.

“Nagtataka ako. May nakita akong dokumento, nagme-memo kay Sec. Bonoan. Nang pina-check ko ang pangalan, hindi namin makita sa loob ng departamento… Parang Post-It, handwritten, ineendorso ang proyekto,” ani Lacson sa DZBB. “Hindi ito dumaan sa official channel. Bakit sa Secretary dumidiretso?”

Ayon sa kanya, ito ay patunay ng paglabag sa protocol at maaaring senyales ng panloob na impluwensya mula sa labas ng opisyal na sistema.

Bukod dito, binatikos din ni Lacson ang tinawag na “leadership fund” sa DPWH, na ayon kay Bonoan ay ginagamit para ipunin ang mga hiling ng mambabatas sa NEP kahit hindi pa nagsisimula ang deliberasyon sa Kongreso.

“Budget preparation ay tungkulin ng ehekutibo. Walang kapangyarihan ang mga mambabatas sa yugtong ito,” giit ni Lacson. Aniya, ang ganitong praktis ay nagbabanta sa integridad ng badyet at nagpapalakas ng politika sa halip na pangangailangan.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang pagpapalit umano ng P1.5-bilyong pondo para sa multipurpose buildings patungo sa P600-milyong flood control projects—isang galaw na may posibilidad umanong konektado sa pansariling interes o “kickback.”

“Sa paglipas ng panahon, pinayagan o hindi naparusahan ang mga pang-aabuso sa DPWH. Kaya lumaki ito at naging pagkakakitaan,” aniya.

Ayon kay Lacson, nakatakda ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Nobyembre 14, kung saan inaasahang may mga bagong testigong maglalantad pa ng karagdagang detalye ukol sa mga proyektong idinaan umano sa hindi opisyal na proseso.