Calendar
Mga biyahero ngayong Undas binalaan vs bomb jokes
NAGPAALALA ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga biyahero na huwag magbiro tungkol sa bomba, kasabay ng pagtaas ng alerto ng lahat ng tauhan nito sa mga paliparan sa buong bansa para sa paggunita ng Undas.
“Huwag kayong gagawa ng bomb joke sa loob ng terminal o sa loob ng eroplano dahil maraming mapiperhuwisyong pasahero,” ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon noong Martes.
Batay sa Presidential Decree 1727, ang pagbibiro o pagbibigay ng maling babala tungkol sa bomba ay isang krimen na may parusang hanggang limang taon na pagkakakulong, o multa na hanggang P40,000, o parehong parusa.
Nanawagan din si Apolonio sa mga pasahero na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit upang maiwasan ang pagkaantala, lalo’t inaasahan ng CAAP ang pagdagsa ng 5.8 milyong biyahero sa 44 na paliparang pinapatakbo nito sa panahon ng Undas.
“Sa ngayon po nakahanda na iyong ating 44 CAAP commercially operating airports at heightened alert na lahat ng mga empleyado at coordinated na rin sa mga airline partners natin na magdagdag sila ng mga empleyado during these times,” aniya.
Sinabi rin niya na naka-standby ang mga tauhan ng airport security, medical teams at fire responders upang agad na makapagbigay ng tulong sa oras ng emergency.
Dagdag pa ni Apolonio, inaayos ng mga airline ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng pagtalaga ng mas malalaking eroplano sa mga rutang may mataas na demand.
Kabilang sa mga patok na destinasyon na inaasahang dadagsain ng mga pasahero ngayong Undas ay ang Caticlan, Kalibo, Busuanga, Surigao at Zamboanga.
Ang Oplan Biyaheng Ayos Undas 2025 ng pamahalaan ay isasagawa mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4 upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maayos na operasyon sa mga paliparan. Philippine News Agency

