DA tinapos na konsultasyon sa RICE Act

Cory Martinez Nov 9, 2025
217 Views

TAPOS na ang mga multi-sectoral consultation sa mungkahing Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act at iba pang hakbang para amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) ng Department of Agriculture (DA).

Layunin ng mga konsultasyon na makakuha ng mga pananaw at rekomendasyon mula sa industriya ng palay at stakeholders upang masiguro na ang pinal na bersiyon ng mungkahing lehislasyon ay matatag at makatarungan.

Ginanap noong Oktubre 24 sa Visayas Cluster, Oktubre 27 sa Mindanao Cluster at Oktubre 28 sa Luzon Cluster ang konsultasyon na nilahukan ng mga magsasaka ng palay, millers, traders, local government units, mga kinatawan ng Kamara de Representantes at iba pang industry players.

Layunin ng mungkahing RICE Act na maibalik ang regulatory powers ng National Food Authority (NFA) upang masiguro ang matatag na supply at presyo ng bigas habang binabantayan ang kapakanan ng mga magsasaka at consumers.

Iminungkahi sa panukalang batas na ibalik ang kapangyarihan ng NFA tulad ng registration, licensing at superbisyon ng mga kasali sa industriya ng bigas: inspeksiyon ng mga bodega at storage facilities; pagsamsam sa mga itinagong bigas at mga butil; istratehikong pangangasiwa ng buffer stock; at regulasyon ng importasyon at export ng bigas.

Ipinresenta ni DA Undersecretary for Policy, Planning and Regulations Asis Perez ang balangkas ng mungkahing RICE Act, na nakaangkla sa pitong haligi ng reporma.

Ang mga reforms na lumutang ang ibalik ang calibrated state capacity; pagsamahin ang Rice Competetiveness Enhancement Fund at National Rice Program; muling itatag ang national extension support system; balansehin ang kapakanan ng consumer at kita ng magsasaka; mapanatili ang domestic production at intensiyon sa pagtatanim; modernisasyon ng NFA; at pagbibigay insentibo sa pribadong sektor at value chain actors.

Sa pagtatapos ng mga konsultasyon, pumirma ang mga stakeholder ng manifesto ng suporta, at pinagtibay ang kanilang pangako na matupad ang inklusibo, patas at mapagkumpetensiyang rice sector na mag-aangat sa lahat ng kalahok sa value chain.