Calendar
DSWD, LGUs inudyok na manawagan ng maagang ani para magamit sa relief ops
NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga lokal na pamahalaan (LGUs) na hikayatin ang maagang pag-ani at direktang bilhin ang mga ani ng mga magsasaka sa tamang presyo sa ilalim ng Sagip Saka Act para magamit sa relief operations.
Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang ganitong paraan upang maiwasan ng mga magsasaka ang pagkalugi kapag may bagyo, habang natitiyak naman na ang mga evacuee ay makatatanggap ng sariwa at masustansyang pagkain.
“Nais nating hikayatin ang DSWD, DILG at LGUs na bilhin ang mga maagang ani ng ating mga magsasaka sa ilalim ng Sagip Saka Act upang magamit sa relief operations at sa mga pagkain sa evacuation centers,” ayon kay Pangilinan.
Ikinuwento niya na tuwing may kalamidad, napipilitang mag-ani nang maaga ang mga magsasaka upang maiwasan ang pagkasira ng pananim, ngunit madalas ay hindi nila ito maibenta dahil sa kakulangan ng mamimili.
“Ang nangyari noon, napipilitang mag-ani ang mga magsasaka kahit hindi pa hinog ang kanilang mga gulay para hindi masira sa bagyo. Pero dahil walang bibili, napipilitan silang itapon o ibenta nang palugi,” aniya.
Ibinahagi ni Pangilinan na sa isang nakaraang bagyo, nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City upang direktang bilhin ang mga maagang inaning gulay mula sa mga magsasaka para sa 12 hanggang 14 na community kitchens na naghahanda ng mainit na pagkain para sa mga evacuee.
“Ang nangyari noon, binili ‘yung gulay na early harvest — kalabasa, sitaw, okra, kamatis — at ‘yun ang ipinamahagi doon sa mga evacuation centers bilang relief operations,” aniya.
Binigyang-diin niya na parehong nakikinabang sa ganitong sistema ang mga magsasaka at lokal na pamahalaan. “Panalo ‘yung farmers dahil binili sa tamang presyo. Panalo ‘yung local government na bumili dahil sariwa ang naging pagkain: hot meals — para sa mga nasa evacuation centers,” ayon kay Pangilinan.
Binanggit din niya ang dalawang bagong nilagdaang Executive Orders — isa sa floor price ng palay at isa sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act — bilang dagdag na proteksyon sa mga magsasaka kung maayos na ipatutupad.
“May dalawang Executive Orders na nilagdaan kamakailan — isa sa floor price ng palay at isa sa pagpapatupad ng Sagip Saka. Kung maayos itong ipatutupad, makakatulong ito para hindi malugi ang mga magsasaka,” aniya.
Hinikayat din ni Pangilinan ang DSWD, DILG at LGUs na ipagpatuloy ang direktang pagbili ng pagkain mula sa lokal na mga magsasaka, sa paniniwalang ang panahon ng krisis ay pagkakataon din para sa praktikal at kapaki-pakinabang na solusyon.
“So, early harvest and Sagip Saka — direct purchase ng ating mga LGU,” sabi ni Pangilinan. “Bawas pinsala para sa magsasaka at mas sariwa, mas masustansyang pagkain para sa ating mga evacuees.”

