MOA

MOA nilagdaan upang mapabilis pagbibigay ng kompensasyon sa mga biktma ng Marawi siege

Jun I Legaspi Nov 11, 2025
358 Views

UPANG pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng kompensasyon sa mga biktima ng Marawi Siege, lumagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA ) ang National Housing Authority (NHA) at Marawi Compensatory Board (MCB) noong Nobyembre 5, 2025.

Ang aktibidad, na ginanap sa NHA Main Office, Quezon City, ay isinakatuparan alinsunod sa Republic Act 11696, na kilala rin bilang Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022.

Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang kaganapan, kasama si MCB Chairperson Atty. Moslemen T. Macarambon Sr., na sinaksihan ng mga kinatawan mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Budget and Management (DBM), at Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development (OPAMRD).

Sa ilalim ng kasunduan, babayaran ng NHA ang mga claimants na may-ari ng mga pribadong ari-arian na na-demolish alinsunod sa pagpapatupad ng Marawi Recovery, Rehabilitation, and Reconstruction Program (MRRRP), kabilang ang mga ari-arian na apektado ng mga debris management programs at search and recovery ng unexploded ordnance alinsunod sa Republic Act No. 10752, o kilala bilang “The Right-of-Way Act.”

Ang NHA at MCB ay kapwa maglalabas ng mga karagdagang alituntunin at magsasagawa ng mga information drive upang payuhan ang mga claimants ng mga hakbang para sa proseso ng kompensasyon.

Noong nakaraang Hulyo 11, 2025, ang magkabilang panig ay nagsagawa ng isang MOU upang kilalanin ang kani-kanilang mga responsibilidad para sa nasabing mithiin at upang ihanda ang pagsasakatuparan ng kasunduan.

Bukod dito, nagkaroon din ng isang discussion-cum-exploratory meeting noong Agosto 2025, na nilahukan ng NHA at ng Marawi CSOs Convergence Group (MCCG). Ang pagtitipon ay nagbigay-liwanag sa agarang pangangailangan ng paglulunsad ng kompensasyon para sa humigit-kumulang 3,000 claimants mula sa iba’t ibang barangay at para sa mga pamilya na ang mga ari-arian ay na-demolish sa most affected area (MAA) ng Marawi City.

Maliban sa aspeto ng pagbabayad, ang NHA, bilang isa sa mga miyembro ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) Subcommittee on Housing, ay may katungkulan sa pagbuo ng master development plan, pagpapatupad ng tamang debris management, pagbuo ng imprastraktura sa kalsada, at pagtatayo ng parehong permanente at transitory shelters para sa internally displaced persons (IDPs) ng lungsod.

Bilang bahagi ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV)-Marawi Conflict Transitory Shelter Program ng ahensya, nakatapos na ang NHA ng anim na proyekto sa pabahay sa loob ng Lanao del Sur.

Bukod sa pabahay, natapos na rin ng NHA ang rehabilitasyon ng ilang public landmark infrastructure, tulad ng Sarimanok Sports Stadium at Marawi Convention Center.

Sa pagsasakatuparan ng MOA, umaasa ang NHA na mamarkahan nito ang isang makabuluhang pag-unlad sa pagbibigay ng kaginhawaan at kapanatagan sa mga biktima ng trahedya.