Laguna

Command center ng Laguna dadagdagan ng gamit

Gil Aman Nov 11, 2025
449 Views

STA. CRUZ, Laguna–Palalakasin ng Laguna ang monitoring system ng capitol command center upang maging handa sakaling may hindi inaasahang kalamidad.

Ipinag-utos na ni Gov. Sol Aragones na kumpletuhin ang CCTV na idadagdag sa command center.

May ilang monitor ngunit limang CCTV lamang ang nakakonekta, isang kakulangan na tinugunan Aragones.

“’Yun ang sinasabi ko na dahilan bakit kailangan urgent, kailangan natin gawin kumpleto ‘yung monitoring equipment natin,” ani Gov. Aragones.

Binigyang diin ni Aragones na kapag kumpleto na ang kagamitan, magiging mas madali ang real time monitoring ng kalagayan sa bawat bayan at lungsod ng Laguna.

“Ang gusto ko makita sa command center na sinasabi ko ay ang sitwasyon ng bawat bayan,” paliwanag niya.

Tiniyak din ng gobernador na may sapat na pondo ang pamahalaang panlalawigan para maglagay ng 30 CCTV units sa iba’t-ibang bayan at lungsod upang magkaroon ng mas malawak na pagbabantay sa sitwasyon.

Ang hakbang na ito patunay na determinado ang pamahalaang panlalawigan na patuloy na ihanda at pangalagaan ang bawat mamamayan ng Laguna, sabi ng gobernador.