Calendar
Police captain na nangholdap, patay sa Bulacan shootout baon sa utang
NATUKLASANG baon sa utang ang 43-anyos na police captain na napatay sa engkwentro laban sa mga pulis ng Bulacan matapos holdapin ang isang convenience store sa bayan ng Marilao noong Lunes ng gabi, ayon sa nakalap ng Journal Group.
Si Captain Ronnie Sarto, deputy chief ng Caloocan City Police Station Investigation and Detective Management Section, ay dapat tumatanggap ng buwanang sahod na P83,336.
Gayunpaman, lumabas sa rekord na may pitong loans ang opisyal kaya’t tumatanggap na lamang siya ng P4,750 kada ika-15 at ika-30 ng buwan, o kabuuang P9,500 net pay.
Ayon kay Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), malinaw na patunay ang insidente sa Marilao na hindi kukunsintihin ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang anumang maling gawain ng kanilang tauhan.
“This is a clear reminder sa kahalagahan ng pagiging professional, sa lahat ng operasyon, sa lahat ng oras na walang sasantuhin. We have zero tolerance policing at sinumang mahuhuling sangkot sa maling gawain ay hindi ito-tolerate,” aniya.
Ayon kay Major Hazel Asilo, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang napatay na pulis ay assistant chief ng Station Investigation and Detective Management Section ng North Caloocan City Police Station.
May asawa at isang anak, nagsimula siya bilang police non-commissioned officer bago naging opisyal sa pamamagitan ng lateral entry noong 2000 at naging sub-station commander sa Sangandaan.
Wala umanong derogatory record ang opisyal, ngunit ayon sa NCRPO, bumagsak ang negosyo nilang pagkain at RTW sa panahon ng pandemya.
“Based on our checking, sagad na siya sa loan,” ani Asilo.
Ayon kay Bulacan Police Provincial Office Director Col. Angel L. Garcillano, tumugon lamang ang mga tauhan ng Marilao Municipal Police Station sa tawag mula sa 911 emergency hotline nang makasagupa nila ang suspek sa shootout.
“Hindi po siya kilala from the very start pero less than 30 minutes ang lumipas na mula nang holdapin niya ang convenience store bago siya na-encounter ng aming mga tauhan,” sinabi ni Garcillano.
Kinilala ng mga empleyado ng Alfa Mart convenience store ang suspek bilang ang armadong lalaking nangholdap sa kanila.
“Nagpalit po siya ng damit, tumigil sa isang barangay para magpagpag, tinanggal ang jacket bago tumakas hanggang masabat ng mga pulis,” dagdag ng opisyal.
Lumabas din na matapos ang panghoholdap, sinubukan pa ng suspek na holdapin ang isang gasolinahan at tinanggal ang kanyang jacket.
“Nung matapos po ang insidente, ‘yong suot niyang pants, slippers at ang gamit na motorsiklo no’ng holdup sa convenience store ay pareho din. Meron pong mga previous activities din sa Bulacan, lalo na sa Marilao, sa Meycauayan City and sa San Jose del Monte City, and we are checking if siya din ang involved,” pahayag ni Garcillano.
Sinabi ng Bulacan police director na rumesponde ang kanyang mga tauhan sa tawag sa 911 at sumunod ang mga ito sa police operational procedures nang sinubukan nilang parahin ang suspek na hindi naman sumunod.
“Makikita po sa CCTV na may isang motorcycle-riding cop at mga apat na bystanders sa pinangyarihan ng encounter kaya hindi po totoo ang mga haka-haka na may mistaken identity o sinadya siyang barilin,” ani Garcillano.
Narekober mula sa motorsiklo ng suspek ang mahigit P20,000 na pera mula sa convenience store, na nakumpirma sa pamamagitan ng hand notes mula sa cashier.
Wala ring plaka ang motorsiklo nang makuha, ngunit nakarehistro ito sa pangalan ng kapitan. “Dapat bilang pulis, nakakabit ang plaka ng motor mo, hindi ‘yung tinatanggal mo,” dagdag ng opsiyal.
“We are targeting only one person here. We have the affidavit of the crew of the convenience store. ‘Yung isang crew nga kasama pa sa patrol car no’ng habulin ang suspect. Siya ang nakakilala sa suspect dahil sa motorsiklo niya. No’ng haharangin siya matapos ituro ng crew dahil sa pareho ang damit at motorsiklo niya, bigla siyang nag-overtake at nagpaputok para malamang takutin ang mga pulis,” saad ni Garcillano.
Sa huli, nakasagupa ng ibang grupo ng Marilao policemen ang suspek at napatay siya sa engkwentro.
“May mga incidents na ng nakawan dito from January to April this year and gusto naming malaman kung sino ba talaga ang involved,” aniya. Dagdag pa niya, sana ay in-identify ng suspek ang kanyang sarili bilang police officer o captain matapos parahin.
“Normal behavior ng isang pulis, magpapakilala sa sisita sa kanyang pulis din pero iba ang ginawa niya,” aniya.
Gumamit umano ang suspek ng PNP-issued 9mm pistol laban sa mga pulis.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Peñones, nauwi ang robbery incident sa Marilao sa armed encounter na ikinasawi ng suspek na kalaunan ay nakilalang miyembro ng law enforcement.
“The case is now under investigation to determine possible links to a wider criminal group operating in Bulacan and nearby provinces,” ani Peñones.
Ayon sa PRO3, nakatanggap ang Marilao Municipal Police Station ng report ukol sa robbery in progress sa convenience store sa Brgy. Sta. Rosa 1 bandang alas-8:30 ng gabi ng Lunes. Nagtungo ang pulisya sa lugar para ma-interview ang mga empleyado.
Batay sa paunang imbestigasyon, pumasok ang suspek sa convenience store bandang alas-7:30 ng gabi na nakasuot ng pulang jacket, nagpanggap na customer, bago nagdeklara ng holdap at tinangay ang humigit-kumulang P20,000 na store sales. Tumakas siya sakay ng motorsiklo patungong Brgy. Loma de Gato.
Nagsagawa ang Marilao policemen ng hot pursuit operation at kalaunan ay naabutan ang suspek. Nang subukang harangin ng mga pulis sa may Loma de Gato, Heritage Subdivision, sa halip na sumuko ay nagpaputok umano ang suspek kaya napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba.

