Sierra Madre

Proteksyon sa Sierra Madre mas tibayan – – Legarda

537 Views

NANAWAGAN ang mga senador ng mas matibay na proteksyon sa kabundukan ng Sierra Madre, na itinuturing na unang panangga ng bansa laban sa mga bagyo.

Pinangunahan ni Sen. Loren Legarda ang panawagan, na nagbabala laban sa patuloy na pagtotroso at mga ilegal na aktibidad sa kabundukan.

“Ang Sierra Madre ang unang depensa ng ating bansa,” ani Legarda. “Kung paulit-ulit tayong magtatayo matapos ang bawat bagyo, dapat ding igalang natin ang kalikasang nagpoprotekta sa atin.”

Hinimok ni Legarda ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa reforestation at pagbabawal sa illegal logging, pati na rin ang paglalaan ng mas malaking pondo para sa climate adaptation.

Ayon kay Sen. Erwin Tulfo, muling napatunayan ang kahalagahan ng Sierra Madre sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan.

“Siya ang pumigil sa bagyo at nagligtas ng maraming buhay,” aniya. “Ngunit sino ang magpoprotekta sa Sierra Madre? Nasa atin ang tungkulin.”

Nanawagan si Tulfo ng total ban sa mapanirang aktibidad gaya ng pagtotroso at quarrying.

Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na ang pagprotekta sa kalikasan ay pagprotekta rin sa mga mahihirap na laging biktima ng baha at landslide.

“Ang pagligtas sa Sierra Madre ay pagligtas din sa mga pinaka-apektadong Pilipino,” aniya.

Dagdag ni Sen. Sherwin Gatchalian, “Maaaring magtayo ng mga kalsada at gusali nang hindi sinisira ang kagubatan. Dapat laging isaalang-alang ang kalikasan sa bawat proyekto.”

Tinapos ni Legarda ang sesyon sa panawagan para sa mas matatag na batas at pananagutan.

“Matagal na tayong pinoprotektahan ng Sierra Madre. Panahon na para tayo naman ang magproteksyon sa kanya,” aniya.

Inaasahang maglalabas ang Senado ng resolusyon para palakasin ang proteksyon sa Sierra Madre at isulong ang mga batas na nakatuon sa kalikasan.