PCSO

Mananaya mula Nueva Ecija wagi ng P184.9M sa SuperLotto

Arlene Rivera Nov 12, 2025
300 Views

ISANG mananaya mula Nueva Ecija, nagwagi ng P184.9 milyon sa SuperLotto 6/49 draw nitong Martes.

Inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang masuwerteng mananaya ay nabili ang winning ticket sa isang lotto outlet sa Santo Domingo, Nueva Ecija .

Ang bettor ay nahulaan ang tamang winning combination na 04-25-20-14-12-05.

Ayon sa PCSO, mayroog isang taon ang nanalo upang i-claim ang P184,998,366.40 na premyo sa main office ng PCSO sa Mandaluyong City, na may nakatakdang 20 porsiyentong buwis.

Ayon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang mga panalong mahigit P10,000 ay may katumbas na 20% buwis.

Samantala, 103 pang mananaya ang mananalo ng P50,000 bawat isa matapos mahulaan ang lima sa anim na tamang numero; 3,928 naman ang tatanggap ng P1,200 bawat isa para sa apat na tamang numero; at 50,020 ang makakakuha ng P50 bawat isa para sa tatlong tamang numero.

Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes, at Linggo.

Hinikayat ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga gaming product ng ahensya upang makalikom ng karagdagang pondo para sa mga programang pangkalusugan, serbisyong medikal, at iba pang pambansang kawanggawa.

Sa pamamagitan ng mga obligatory contribution nito, hindi lamang nakatutulong ang PCSO sa mga taong nangangailangan ng tulong medikal, kundi nagbibigay rin ito ng pondo sa mga institusyong pampamahalaan.