Mindoro

OrMin Agricultural Fiesta 2025 inilunsad

Helen D. Prado Nov 14, 2025
416 Views

INILUNSAD noong Huwebes ang agricultural fiesta sa demo farm bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fiesta MaHal TaNa, ang ika-75 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.

Pinangunahan ni Gob. Humerlito “Bonz” Dolor ang ribbon cutting ceremony bilang simula ng gawain na sinundan ng parada ng lechon.

Ayon kay Provincial Agriculturist Christine Pine, ang araw na ito ay sadyang inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda upang maipakita ang mayamang produktong agrikultural at pangisdaan ng lalawigan.

Pinasalamatan ni Gob. Bonz ang pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan sa paglulunsad ng agricultural fiesta gayundin sa pagdiriwang ng Fiesta MaHal TaNa.

Binigyang diin din niya ang mga pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisdang Mindoreño.

Naging tampok sa programa ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan na kinatawan ni Gob.Bonz, at National Food Authority (NFA) sa pamamagitan ni NFA OIC Regional Manager Me-Anne Villaflor.

Nasasaad sa kasunduan na ang NFA ay mamimili ng palay sa mga magsasaka sa halagang P23 kada kilo at ang pamahalaang panlalawigan ang magbabayad ng upa sa warehouse na pag-iimbakan ng palay.

Nagpahayag din ng suporta sa gawain si Vice Governor Perez kasama ang mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan.