Calendar
Senado handang gamitin contempt powers kung mga dokumento ng mga Discaya di kompleto
DAHIL na rin sa sinasabing nais nilang maging makatotohanan sa lahat ng paglalahad, muling iginiit ni Sen. Risa Hontiveros ang agarang pagsusumite ng kumpletong ledger ng mag-asawang Discaya matapos silang mabigong muli na dalhin ang buong kopya ng tala—sa kabila ng paulit-ulit na utos ng Senate Blue Ribbon Committee. Una nang kinumpirma ni Curlee Discaya na umiiral ang ledger na naglalaman umano ng mga proyekto at transaksiyon mula 2016.
Pinuna ni Hontiveros na ang mga naunang isinumiteng pahina ay “kulang at mukhang sanitized,” at hindi nito tinataglay ang mga detalye ng proyekto na ayon sa mga testigo ay matagal nang naka-lista. Idiniin niyang malinaw ang subpoena: ang komite ay humihingi ng kumpletong tala mula 2016 hanggang kasalukuyan.
Nadismaya rin ang ibang senador sa patuloy na hindi pagsunod ng mag-asawa. Giit ni Hontiveros, ang paulit-ulit na pagkukulang ay “nagpapataas ng duda” sa integridad ng kanilang mga dokumento at maaaring magtulak sa komite na gumamit ng mas mabigat na hakbang.
Binigyang-diin ni Hontiveros na kritikal ang ledger sa pag-beripika ng mga pahayag ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, na nagsabing may mga “commitments” na kinakailangang ibigay ng contractor kapalit ng proyekto. Ayon kay Bernardo, may mga tala umano ng proyekto at remittances na dapat tumugma sa record ng mga District Engineering Offices.
Ayon kay Hontiveros, dokumentaryong ebidensiya ang magtatakda kung may katotohanan ang mga paratang, hindi lamang verbal testimonya. Sinabi niyang makatutulong ang ledger upang makita kung may pattern sa pag-apruba ng proyekto at kung tugma ito sa pahayag ng iba pang testigo.
Ipinaalala rin niya sa mag-asawang Discaya na sila mismo ang umamin sa Senado tungkol sa pag-iral ng ledger. “Dalawa kayong nagsabi na may ledger,” aniya, kasabay ng babala ng mga senador na ang patuloy na hindi pagsunod ay maaaring ituring na obstruction.
Sinabi ng ilang miyembro ng komite na handa ang Senado na gamitin ang contempt powers kung patuloy na hindi magbibigay ng kumpletong dokumento ang mag-asawa. Sumang-ayon si Hontiveros at binigyang diin na nakasalalay dito ang kredibilidad ng imbestigasyon.
Nag-adjourn ang pagdinig na may direktiba sa mag-asawang Discaya na dalhin ang kumpletong ledger at iba pang dokumento sa susunod na pagharap. Giit ni Hontiveros, dito malalaman kung kinakailangan nang gumamit ng mas mabigat na kapangyarihan ang Senado.

