Calendar
Tamang etiketa sa frozen meat binabantayan ng DA
Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang monitoring sa mga supermarket at wet market upang masiguro ang tamang pangangasiwa at paglalagay ng etiketa sa frozen meat.
Iniutos ni DA Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang naturang inisyatiba sa Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS), Bureau of Animal Industry (BAI), at National Meat Inspection Service (NMIS), upang bantayan pareho ang consumers at local producers.
Magpapatupad ang AMAS, BAI at National NMIS ng inspection sa buong bansa upang matukoy ang pagsunod sa kaligtasan ng pagkain at patas na regulasyon sa kalakalan.
“Kailangang maayos na mamarkahan at maiimbak ang mga frozen na karne. Hindi dapat palitawin ng mga retailer na sariwa ang frozen na mga karne. Ang kaligtasan sa pagkain at patas na kalakalan ay non-negotiable,” ani Tiu Laurel.
Naaayon ang direktiba sa pagsisikap ng DA at mga nag-aalaga ng baboy na patatagin ang presyo ng karne at suportahan ang mga magbababoy mula sa bumababang farmgate rates.
Nagkasundo ang ahensiya at grupo ng mga industriya na magtakda ng minimum farmgate price na P210 per kilo sa buhay na baboy, mas mataas mula sa kasalukuyang P150 hanggang P180 per kilo, na ayon sa mga producer ay mas mababa sa kanilang gastos.
Tinukoy ni Tiu Laurel na habang nalulugi ang mga magbababoy, nananatiling mataas ang retail price ng karne, ang liempo ay nasa average pa rin na P400 per kilo.
“Bumagsak ng husto ang farmgate price, subalit hindi man lang naramdaman ng mga consumer ang ginhawa. Kailangang matugunan itong hindi balanseng presyuhan,” anang kalihim, at iminungkahi na muling ipatupad ang maximum suggested retail price sa karne ng baboy.
Sumuporta rin ang mga grupo ng industriya tulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI) , at Pork Producers Federation of the Philippines (PROPORK) sa panawagan na ibalik ang taripa sa pork import na 40 percent mula sa kasalukuyang 25 percent sa ilalim ng Executive Order 62, na ayon sa kanila ang mababang taripa ay nagresulta sa sobrang importasyon at piniga ang mga lokal na producer.
Pinag-aaralan din ng DA ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa karne at mag-iisyu ng administrative circular para ire-classify ang pork jowls o maskara, na kasalukuyang tawag na offal at nabigyan ng mababang taripa, para taasan ang import tax sa gitna ng mataas na demand sa mga processor at operators ng mga restaurant.
Ayon sa DA, layon ng mga hakbang na ito na ipakita ang transparency sa meat market, protektahan ang mga consumer, at tumulong na maibalik ang kakayahang kumita ng mga lokal na nag-aalaga ng baboy sa gitna ng tuloy-tuloy na pabago-bagong presyo.

