Delima Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima

De Lima: Di pwede ang pavideo-video, kailangan bumalik Zaldy Co

264 Views

NANAWAGAN si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na bumalik sa Pilipinas at manumpa upang patunayan ang kanyang mga alegasyon kaugnay ng kontrobersiya sa flood control.

Ang timing ni Co, matapos ang ilang buwang pananahimik, bukod pa sa kanyang “lack of credibility,” ay nagdudulot ng pagdududa sa tunay na motibo sa likod ng kanyang mga pahayag, sinabi ni De Lima sa Saturday News Forum sa Quezon City.

“Hindi puwede iyang video-video ‘yan. Definitely, as a lawyer, hindi puwede ‘yan. Kailangan niyang bumalik, kailangan niyang humarap sa tamang proseso,” aniya.

“Anything less than that, magdududa-duda tayo sa kanyang agenda, lalo na’t wala naman talaga siyang gano’ng credibility,” dagdag niya. Ayon kay De Lima, kahina-hinala ang timing ng kanyang paglabas at nangyari pa sa panahong ang administrasyon ay nasa “volatile” at “sensitive” na sitwasyon habang lumalakas ang panawagan ng publiko para sa pag-aresto ng mga personalidad na sangkot sa malawakang kontrobersiya sa flood control.

“So kung hahaluan pa ng mga ganyang mode of exposes ― madaling makumbunsi ang karamihan, ano pa kaya ‘yong mga ganyang mode, ganyang videos, can you imagine the effect? And then ‘yong mga elements na would be happy enough to have this kind of situation na mag-create ng gulo,” sinabi ni De Lima.

Naglabas si Co ng dalawang video na nagsasabing sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez ang nag-utos ng P100 bilyong halaga ng insertions sa 2025 national budget.

Tinawag ng Malacañang noong Biyernes ang mga alegasyon bilang “pure hearsay” at walang batayan.