Goitia Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon:Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

Goitia kay Zaldy Co: Salaysay puro ingay, walang ebidensya, walang katotohanan

351 Views

HABANG lumalakas ang ingay sa politika matapos ang mga paratang ni Zaldy Co, malinaw pa rin na wala siyang naipapakitang ebidensyang nag-uugnay kay Pangulong Bongbong Marcos sa sinasabing P100 bilyong insertion.

Ang mga dokumentong ipinakita ni Co ay karaniwang listahan ng proyekto at pondo sa pambansang budget, ngunit wala itong anumang pahiwatig o utos mula sa Malacanang na nagsasabing idinagdag ang mga ito ayon sa kagustuhan ng Pangulo.

Sa gitna ng mga ispekulasyon, binigyang-diin ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na katotohanan at ebidensya ang dapat pagbatayan ng publiko.

May isang national security assessment ang nag-ulat na ang timing ng pahayag ni Co ay sumasabay sa mga planong kilos-protesta ng ilang grupong kritikal sa administrasyon. Ayon sa mga analyst, posible itong maging bahagi ng mas malawak na pagtatangka na guluhin ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbuo ng mga nakaliligaw na naratibo laban sa Pangulo at gobyerno. Hindi nito inaakusahan ang sinuman ng ilegal na gawain, ngunit pinaaalalahanan na ang publiko ay dapat manatiling mapanuri at nakabatay sa totoong datos, hindi sa ingay o walang batayang mga akusasyon.

Sabi ni Goitia, “Kung ang intensyon ay magsabi ng totoo, dapat itong gawin sa ilalim ng panunumpa, hindi kung saan-saan. May mga institusyon tayong nakahanda upang tiyakin na patas at malinaw na masusuri ang anumang alegasyon.”

Ang mga pahayag na inilalabas nang hindi hinaharap ang mga tanong o imbestigasyon ay nag-iiwan ng mas maraming katanungan, lalo na’t gumagana ang lahat ng legal na proseso rito sa Pilipinas.

Itinuro rin ni Goitia ang isang malinaw na rekord na sumasalungat sa mga akusasyon ni Co: Ang pag-veto ni Pangulong Marcos Jr. sa P194 bilyon na item sa 2025 national budget.

Ayon kay Goitia, “Ang pag-veto ng halos P200 bilyong budget item ay malinaw na nagpapakita na hindi pinoprotektahan ng Pangulo ang anumang kuwestiyonableng insertion. Ipinapakita lamang nito na ang Pangulo ay nagtatanggal ng mga item na may duda, hindi nagdaragdag ng mga ito.”

Aniya,” Kung talaga ngang sangkot ang Pangulo sa sinasabing anomalya, bakit siya mismo ang maglalantad nito? Sino ba ang maglalantad ng sarili niyang umano’y pagkakamali?”

Ipinapakita lamang nito ang kakulangan ng basehan at pundasyon sa mga pahayag ni Co.

Binanggit din ni Goitiana “ang nakikita ko ay isang pamahalaang pinapalakas ang checks and balances, hindi pinahihina ang mga ito.”

“Hindi mo maaaring pekein ang reporma sa institusyon. Maisasagawa mo lamang ito kung tapat kang nakatuon sa pag-aayos ng sistema.”

Maaring magbukas ng diskusyon ang mga pahayag ni Co — ngunit hindi sapat ang diskusyon upang maging ebidensya.

Ang listahan ay hindi direktiba. Ang mga alegasyon ay hindi katotohanan.

At ayon pa kay Goitia, “Hindi nagtatago ang katotohanan sa mga inedit na video o sa mga pahayag na pinipili lamang kung kailan ilalabas. Nararapat itong ilahad nang lantaran, sinumpaan, at iharap sa mga institusyon ng ating Republika.”