Calendar
Sen. Ping: Mga nagpanggap na kinatawan ni PBBM tumanggap ng kickbacks sa inset
Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may ₱100 bilyong insertion sa 2025 national budget, ngunit sinabi niyang ang umano’y kickbacks mula rito ay napunta sa mga taong maling nag-angkin na kumakatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa plenary deliberations para sa badyet sa 2026, sinabi ni Lacson na sinuri nila ang listahan ng mga insertion at napatunayang totoong naipasok sa bicam ang ₱100 bilyon.
Pinabulaanan din niya ang pahayag ni dating kongresista Zaldy Co na nag-abot umano siya ng ₱25 bilyon na komisyon para sa Pangulo. Ayon kay Lacson, walang batayan ang alegasyon.
Ibinahagi niya na nakakuha siya ng impormasyon mula sa kampo ng dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo na may ilang tao sa Malacañang, na walang pahintulot ng Pangulo, ang gumamit sa pangalan nito upang palabasing iniutos ang insertion.
Tinukoy niya sina dating Presidential Legislative Liaison Office undersecretary Adrian Carlos Bersamin at dating Education undersecretary Trygve Olaivar bilang kabilang sa mga pinaniniwalaang nagbigay ng maling impresyon. Pareho na silang nagbitiw sa puwesto.
Giit ni Lacson, sa mga taong ito napunta ang umano’y kickbacks at hindi sa Pangulo. Dagdag niya, dapat tiyakin ng Palasyo na tanging awtorisadong opisyal lamang ang maaaring magsalita o makipag-ugnayan sa pangalan ng Chief Executive.

