Calendar
Lakas-CMD binira kuwentong kutsero sa baha projects, kay PBBM
NAGKAISA ang LAKAS–Christian Muslim Democrats (CMD), ang nangungunang partidong politikal sa bansa, sa likod ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes, at iginiit na ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y budget insertions at imbestigasyon sa flood control projects ay dapat maresolba batay sa ebidensiya ― hindi sa pulitikal na palabas.
Sa isang matinding pahayag na nilagdaan ng mga pangunahing lider ng partido sa buong bansa, idineklara ng Lakas–CMD: “Hindi kami matitinag ― buong-buo ang suporta ng Lakas–CMD kay Pangulong Marcos, sa gawa at hindi lang sa salita.”
Nagbabala rin ang Lakas–CMD na huwag gawing public drama ang mga imbestigasyon.
“Ang bayan ang talo kapag ang imbestigasyon ginawang drama. Hindi showbiz ang hustisya ― hindi script ang katotohanan,” pahayag ng partido.
Binigyang-diin ng partido ang pundasyon nitong nakatayo sa matagal nang prinsipyo na humuhubog sa papel nito sa pamahalaan sa loob ng maraming dekada: paggalang sa rule of law, due process at katapatan sa katotohanan.
“Batas, ebidensya, at katotohanan ― ‘yan ang sandigan, hindi kwentong kutsero o pamumulitika,” ayon sa statement. “Malinaw mula simula: batas lang ang sinusunod ng Pangulo, hindi ang dikta ng sinuman. Walang ‘green light’ sa katiwalian mula kay PBBM ― ang meron ay malinaw na utos na ‘follow the law.’”
Ang Lakas–CMD, sa pamumuno ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte, ay nananatiling political powerhouse na may 109 na mambabatas, 15 gobernador at libu-libong lokal na opisyal sa buong bansa, na nagpapatibay sa posisyon nito bilang isa sa pinaka-organisado at malawak na partido sa politika ng Pilipinas.
Ang united stand ng partido ay na-formalize sa mga pirma ng highest-ranking officers at regional chairs ng Lakas–CMD na sina: Rep. David “Jay-Jay” C. Suarez – Executive Vice President, Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II – Secretary General, Rep. Mauricio G. Domogan – CAR Regional Chair, Rep. Ramon N. Guico Jr. – Region I Regional Chair, Rep. Antonio T. Albano – Region II Regional Chair, Rep. Jefferson F. Khonghun – Region III Regional Chair, Rep. Adrian E. Salceda – Region V Regional Chair, at Rep. Janette L. Garin – Region VI Regional Chair.
Kasama rin sina Rep. Eduardo Roa Rama Jr. – Region VII Regional Chair, Rep. Maria Carmen S. Zamora – Region XI Regional Chair, Rep. Munir M. Arbison – Region IX Regional Chair, Rep. Jurdin Jesus M. Romualdo – Region X Regional Chair, Rep. Ma. Alana Samantha Taliño Santos – Region XII Regional Chair, Rep. Ziaur-Rahman Alonto Adiong – BARMM Regional Chair, Rep. Ernesto M. Dionisio Jr. – NCR Regional Chair, Romualdez – Region VIII Regional Chair, Rep. Maria Carmen S. Zamora – Region XI Regional Chair, at Rep. Eduardo Roa Rama Jr. – Region VII Regional Chair.
Binigyang-diin ng partido na ang mga alegasyong inihayag sa labas ng pormal na proseso ay walang bigat hangga’t hindi nasusuri sa ilalim ng sinumpaang testimonya, cross-examination at dokumentaryong beripikasyon.
“Statements issued outside sworn proceedings and without the safeguards of cross-examination and documentary validation cannot be treated as fact,” sinabi ng partido, at tinukoy na hawak na ng Independent Commission for Infrastructure, Department of Justice, at Office of the Ombudsman ang usapin.
“Hindi puwedeng chismis ang basehan ng hustisya. Kung seryoso ang paratang, ilahad sa tamang proseso ― hindi sa entablado ng politika,” saad ng partido.
Mariing pinabulaanan ng partido ang mga parunggit na may kinalaman ang Pangulo sa anumang diumano’y iregularidad, at sinabing ang kanyang mga direktiba sa buong proseso ng budget ay nanatiling consistent: sundin ang batas at panatilihin ang pananagutan.
“His directives throughout the budget process have always been clear: follow the law, uphold accountability, and ensure that funds serve the Filipino people,” ayon sa statement.
Nagbabala ang Lakas–CMD sa mga naratibong base sa espekulasyon, personal na grievances o recollections na ginawa sa labas ng lawful investigatory process.
“We refuse to be distracted by narratives built on speculation, personal grievances, or recollections delivered outside official investigatory processes,” sinabi ng grupo.
Iginiit ng partido na nakatuon ito sa stability, pagkakaisa at governance ― lalo na sa panahong ang national issues ay nangangailangan ng kalinawan at sober leadership.
“Hindi kami sasabay sa ingay; gagawin namin ang tama. Hindi puwedeng personal at sama ng loob ang maging direksyon ng bansa,” saad nito.
Sinabi ng partido na lahat ng miyembro nito ay handang humarap sa anumang lawful investigation, at lahat ng akusasyon ay dapat maberipika at dumaan sa due process.
“Our position has always been consistent: if there is evidence, present it to the proper authorities. If there are questions, raise them in the proper venues. If there are accusations, they must withstand the test of due process,” ayon sa statement. “Kung may ebidensya, ilabas.”
Muling pinagtibay ng Lakas–CMD ang buong suporta nito kay Pangulong Marcos at nanawagan sa mga pampublikong opisyal, media at mamamayan na hayaan ang mga demokratikong institusyon na gampanan ang tungkulin nang walang pressure o political noise.
“Only through this can the truth emerge, accountability be properly assigned, and public trust strengthened,” saad ng partido.
Sinabi ng partido na nananatiling nakatuon ito sa pakikipagtulungan kay Pangulong Marcos at sa lahat ng sektor ng pamahalaan “to deliver stability, progress, and a better future for all Filipinos.”

