Lacson

Lacson sinabing ‘allocable’ nagsilbing bagong pork barrel

259 Views

IBINUNYAG ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes na ang “allocable” sa 2025 national budget ang nagsisilbing bagong pork barrel, matapos niyang suriin ang budget documents at ilahad ang usapin sa kanyang interpelasyon sa 2026 budget bill. Tinawag niya ang badyet na “corrupt to the core.”

Ayon kay Lacson, nasa National Expenditure Program ang mga allocables at nagbibigay-daan para pondohan ang mga proyekto kahit hindi pa natutukoy ang mga ito.

“Bakit nauuna ang funding bago i-identify ang mga projects? Di ba dapat, projects muna saka hahanapan ng funding?” tanong niya. “Hindi ba dapat may items na galing sa regional development council bago pondohan? Nauna ang pagpondo saka lang hahanapan ng items sa NEP.”

“Ngayon lang namin narinig ang allocable. Ang allocable is equivalent to pork barrel,” aniya sa True FM.

Ayon sa unang pagsusuri ng kanyang staff, nakakuha ang House leadership ng P143.5 bilyon sa allocables sa 2025 budget. May mga party-list din na nakakuha, aniya.

Dagdag niya, may mga “non-legislators” ding nabigyan, kabilang ang isang opisyal ng executive department na nakakuha umano ng P8.3 bilyon. Maging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay nakakuha rin umano ng allocables sa 2025 budget.

Nang tanungin kung DPWH lang ba ang nakatanggap, sinabi ni Lacson na may iba pang ahensyang “outside the DPWH” na nakakuha rin.

Sinabi rin niya na sa pagbuo ng NEP, kinailangang salain at bawasan ng Development Budget Coordination Committee ang mga request mula sa regional development councils para sa mga planadong proyekto na umabot sa P10 trilyon para sa 2026.

“We’re talking of the NEP, the first step bago ma-transmit ang president’s budget. Hindi pa transmit sa Kongreso, nandoon na insertions,” aniya.

“Ang 2025, ito ang sagad to the bones. Ngayon ko lang nakita, ang tagal ko sa Senate ngayon lang ako nakakita from start to finish. Sa marathon, sa pagbaril umarangkada na hanggang sa finish line tumitira pa,” dagdag niya.

Sinabi rin niyang dadalhin niya sa plenary ang usapin upang makita ng economic managers at kapwa mambabatas “kung gaano kalala ang korapsyon sa 2025 budget.”

“Ngayon 2026 ang pinaguusapan pero ugali ko pag nag-interpellate ako para sa next year’s budget binabalik ko ng tatlong taon kasi nag-e-establish ako ng pattern. This time wala akong ma-establish na pattern kung ang idi-discuss ay 2025. Walang kahambing. Parang wala nang katulad,” aniya.

“Some people just don’t know when to stop. Ngayon may naglalabasan na anomalya may nababanggit na pangalan dapat ma-realize ng taga-gobyerno na lahat may katapusan. Sooner or later kung di sa susunod na taon, kung di after 3 years, pag ginawa mo yan habitually, eventually it will catch up with you,” dagdag niya.

Tiwala si Lacson na hindi na magiging bahagi ng 2026 budget ang mga allocables, na maaari umanong maging “the most transparent national budget.” Kabilang dito ang pag-alis ng unprogrammed appropriations maliban sa foreign-assisted projects.

Nanawagan din siya sa publiko na panatilihin ang galit sa umano’y korapsyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects, ngunit maging matiyaga sa due process na dapat humantong sa “prosecution, conviction, at pagkakakulong” ng mga sangkot.

Sinabi niyang nakausap niya sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla, Justice Secretary Fredderick Vida, at Prosecutor General Richard Fadullon, at nakita niya ang kanilang sinseridad na itaguyod ang proseso.

“Magtiyaga nang kaunti pero maging mapagbantay, huwag tayo bumitaw,” aniya.