Suspek Ang suspek sa maanomalyang flood control project na naaresto ng NBI, kasama ang dalawang indibidwal na dinampot dahil sa obstruction of justice sa isinagawang operation sa Quezon City.

DPWH exec inaresto ng NBI

Jon-jon Reyes Nov 23, 2025
343 Views

Suspek1Suspek2Suspek3NAARESTO ng National Bureau of Investigation-Technical Information Division (NBI-TID) ang isa sa mga akusado na may arrest warrant mula sa Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang flood control project, matapos matunton ang kinalalagyan nito sa isang bahay sa Quezon City araw ng Linggo.

Ang akusadong si Engineer Dennis Abagon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Mimaropa ay kabilang sa mga inisyuhan ng arrest warrant ng anti-graft court kaugnay sa reklamong malversation of public funds.

Ayon sa NBI, inabot ng halos dalawang araw na surveillance ang isinagawa ng NBI agents katulong ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nadamay ang dalawang indibidwal na posibleng makasuhan ng obstruction of justice.

Narekober ng agents ang ilang mga kagamitan ng suspek kabilang ang ilang bag na may mga damit, mga gamot at dalawang cellphone na may mga bagong subscriber identity module (SIM) card na posible umanong burner cellphone o SIM number, kung saan ay hindi ito nakarehistro sa kanya subalit puwede niyang gamitin nang walang trace ng kanyang identity at lokasyon, ayon sa NBI.

Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat at pag-iimbestiga ng NBI agents sa suspek at sa dalawang nadamay na naaresto sa nasabing operation.

Ipinag-utos na rin ni NBI Director Lito Magno na paigtingin ang operation laban sa iba pang mga taong pinaghahanap na may arrest warrant mula sa Sandiganbayan.

Si Atty. Christopher Hernandez ng NBI-TID ay nanawagan sa lahat ng mga akusadong may arrest warrant na sana’y kusa na lamang sumuko para hindi maging kumplikado ang proseso at maiwasan ang mga untoward incident sakaling hindi sila sumuko at maabutan sila ng mga operatiba.