Calendar
Dating Congressman Zaldy Co
‘Malalaking pangalan’ malapit nang dumating – DILG
NAGING mahirap ang paghahanap kay Zaldy Co, ang itinuturing na utak umano ng anomalya sa flood control project at dating kongresista ng Ako Bicol Party-list, dahil ito ay may dalawang pasaporte, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
“Umuwi ka na, kailangan mo managot sa batas,” ani Remulla. Dagdag pa niya, ang Philippine National Police tracker teams ay ipinadala sa ibang bansa matapos makumpirma ang mga galaw ni Co sa Estados Unidos, Europa, Singapore, Spain, Portugal at Japan.
Sinabi rin ni Remulla na ang mga akusadong nasa Estados Unidos at Qatar ay binigyan hanggang Huwebes para sumuko sa pinakamalapit na embahada ng Pilipinas.
“May mga kopya kami ng kanilang mga pasaporte. Mahahanap namin sila kahit saan sila magpunta,” aniya.
Samantala, iniulat ng DILG noong Lunes na ang pitong nahuling akusado kaugnay ng alegasyon ng anomalya sa P289.5 milyong flood control project ay nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Apat na buwan matapos unang lumabas ang isyu, sinabi ni Remulla na inaasahan ang paghuli ng higit pang mga kilalang personalidad sa loob ng limang linggo.
Sa isang pahayag sa media, tiniyak ni Remulla sa publiko na walang espesyal na trato ang mga nahuling akusado, na pawang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Mimaropa, at sila ay poprotektahan mula sa anumang pinsala habang nakadetine.
Makatatanggap sila ng parehong serbisyo at papayagan ng parehong mga aktibidad na ibinibigay sa ibang mga bilanggo.
“Malalaking pangalan ang darating. Dapat tayong maghanda para sa mga Discaya, mga senador, mga kongresista. Sunod-sunod na sila sa loob ng limang linggo. Walang La Catedral dito, i-treat sila kagaya ng mga karamihan,” aniya.
Ayon kay Remulla, sa mga walong akusado na nahuli, anim na kalalakihan ang nakakulong sa New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.
Ito’y sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben delos Santos Jr., Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Juliet Calvo at Engr. Dennis Abagon.
Isang babaeng akusado, si Lerma Cayco, ay nakakulong sa Camp Caringal Female Dormitory.
Lahat ng pitong akusado ay haharap sa paglilitis para sa graft charges sa Sandiganbayan Fifth Division at malversation of public funds sa Sixth Division ng anti-graft court.
Isang suspek naman, si Juliet Calvo, ang pinayagang magpiyansa para sa graft charge.
Ayon pa kay Remulla, sasailalim naman sa imbestigasyon at posibleng maharap sa mga kasong obstruction of justice ang isang vice mayor sa Mindoro, pati na rin ang mga miyembro ng kanyang pamilya at mga tauhan, matapos mahuli ang isang akusado sa loob ng bahay nito sa Quezon City.
Hinimok ni Remulla ang publiko na huwag tulungan ang mga indibidwal na patuloy na tinatago ang kanilang sarili.
“Huwag n’yo na po tulungan ang mga nagtatago. Kung mahal n’yo sila, mahalin ninyo ang inyong mga sarili,” dagdag pa ni Remulla.
Sinabi ni BJMP Jail Director Ruel Rivera na ang anim na akusado ay ilalagay sa isang kwarto. Makatatanggap sila ng parehong pagkain at tubig gaya ng ibang mga person deprived of liberty (PDL) at magkakaroon ng access sa 24-oras na serbisyong medikal.
Tumaas na ang budget para sa pagkain ng BJMP sa P100, mula P70 dati, para sa bawat PDL kada araw.
Pinapayagan ng BJMP ang dalawa hanggang limang miyembro ng pamilya na bumisita sa mga PDL sa mga itinalagang lugar. Maaaring magdala ang mga bisita ng lutong pagkain na sasailalim sa inspeksyon mula 1–5 ng hapon araw-araw, maliban sa Lunes at Biyernes.
Ang New Quezon City Jail Male Dormitory Building A ay may 80 porsiyentong okupasyon at may 14 na bakanteng selda. Bawat selda ay kayang maglaman ng hanggang 10 PDL.
Walang okupado sa Building B. Ang bawat gusali ay may kapasidad ng hanggang 3,000 PDL.
