Obrero,isa pang most wanted sa Bulacan nakorner ng pulis

Bernard Galang Nov 26, 2025
244 Views

NAGRESULTA sa pagkakahuli ng dalawang most wanted persons sa magkahiwalay na insidente sa Bulacan ang magkakasunod na operasyon ng CIDG Regional Field Unit 3 sa ilalim ng OPLAN PAGTUGIS kaugnay ng CIACO campaign noong Martes.

Ayon kay CIDG RFU3 chief Col. Grant Gollod, naaresto ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Bulacan Provincial Field Unit (PFU) at Marilao police si alias Basil, 21, construction worker at residente ng Sta. Rosa II, Marilao.

Si Basil ay ika-4 na most wanted person sa rehiyon at naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa tatlong bilang ng paglabag sa R.A. 7610 na inisyu ng RTC Branch 121, Meycauayan City, Bulacan.

Sa parehong araw, ayon pa kay Col. Gollod, naaresto rin ng CIDG Bulacan PFU at Marilao police si alias Dave, 25, residente ng Estrella Homes, Sta. Rosa II, Marilao.

Si Dave ay ika-5 most wanted person sa rehiyon at nadakip sa bisa ng warrant of arrest para sa tatlong bilang ng paglabag sa R.A. 7610.

Binigyang-diin ni Col. Gollod na ang CIDG RFU3 ay patuloy ang determinasyon na hanapin at arestuhin ang mga pugante sa pamamagitan ng koordinadong aksyon ng pulisya at tuloy-tuloy na intelligence-driven operations sa rehiyon.