Calendar
Ang suspek habang inaaresto ng mga pulis matapos ang habulan. Larawan ni GEMI FORMARAN
Quezon hostage taker, huli sa pagtakas, 3 hostage, ligtas
TIAONG, QUEZON — Mabilis na nahuli ng mga pulis ang isang lalaki na nang hostage ng tatlong tao sa Brgy. Quipot, sa bayang ito noong Miyerkules.
Kinilala ni Quezon police director Col. Romulo Albacea ang suspek sa alyas na Felix, 44, residente ng Brgy. Lusacan.
Ayon kay Albacea, naaresto ang suspek habang tumatakas sakay ng tricycle na minamaneho ng kanyang kapatid.
Una rito, ang suspek ay itinawag sa pulisya ng kanyang dating live-in partner makaraan umano siyang saktan sa Cassandra Subd., sa nasabing barangay.
Nang makita ang mga paparating na pulis, mabilis na tumakas ang suspek at pumasok sa isang apartment.
Armado ng balisong hinostage ng suspek ang isang 45-taong gulang na ginang na nangungupahan sa apartment gayundin ang isang 16 taong gulang na dalaga at 10 anyos na babae.
Mabilis namang nagresponde ang mga elemento ng Tiaong police station sa pamumuno ni Lt. Col. Jinkie Tuguic at 1st Quezon Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni Col. Reynaldo Reyes kasama ang kanyang SWAT team.
Agad umakto si Reyes bilang ground commander at negotiator.
Makalipas ang mahabang negosasyon, pumayag ang suspek na pakawalan ang tatlong hostage sa kondisyong bigyan siya ng tricycle na ang driver ay kanyang kapatid, upang makatakas.
Agad pumayag si Reyes at ibinigay ang sasakyan kasabay ng pagpapalaya sa mga hostage.
Habang tumatakas ang suspek sakay ng tricycle, kaagad siyang tinugis ng mga pulis at mabilis na nahuli.
Kasalukuyang nakakulong na ang supek na nahaharap sa sapin- saping kaso

