Senado

Senado inudyok tutukan ‘pag-abuso’ ng LOA ng BIR

207 Views

NANAWAGAN si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito ng reporma at posibleng pagdinig sa Senado kaugnay ng umano’y pang-aabuso ng ilang tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa paggamit ng Letter of Authority (LOA).

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Ejercito na ilang personnel ng BIR, kabilang ang ilang regional directors, ay umano’y gumagamit ng LOA para gipitin ang mga negosyante at pilitin silang pumasok sa pinansyal na “settlements.” Ayon sa kanya, may mga accountant at may-ari ng negosyo na nag-ulat na pinatatagal umano ang mga audit hanggang pumayag ang taxpayer sa hindi opisyal na usapan.

Sinabi ni Ejercito na mula sa target na ₱6 bilyon hanggang ₱8 bilyon sa LOA-related collections, nasa ₱2 bilyon hanggang ₱3 bilyon lang umano ang napupunta sa Treasury.

“Seventy percent ang dinadakma. Tatlumpung porsyento lang ang napupunta sa gobyerno,” sabi niya. Wala siyang inilabas na dokumento sa forum ngunit iginiit na ang impormasyon ay mula sa mga nagreklamong sektor.

Ang LOA ang dokumento ng BIR na nagbibigay-pahintulot sa itinalagang revenue officers na silipin ang mga rekord ng isang taxpayer sa takdang panahon. Kapag walang LOA, maaaring ituring na invalid ang audit.

Ayon kay Ejercito, malaki ang epekto nito sa maliliit at katamtamang negosyante na madalas walang sariling legal o accounting team.

“Punish the greedy, protect the honest. Hindi lahat sa BIR masama, pero ’yung talagang garapal—tanggalin na,” dagdag niya, kasabay ng panawagan sa pamunuan ng BIR na imbestigahan ang reklamo at aksyunan ang mga lalabag sa proseso.

Inihahanda rin umano niya ang mga rekomendasyon para sa Department of Finance at BIR, kabilang ang mas mahigpit na audit trail para sa LOA, rotation ng revenue officers sa high-risk posts, at digital tracking ng LOA status para maiwasan ang hindi awtorisadong negosasyon.

Sinabi niya na maaaring magsimula ang Senado ng pagdinig kapag may mga karagdagang complainants o whistleblowers na magsusumite ng dokumentadong reklamo.