Gapan Nakipag-selfie si Gapan City Mayor Joy Pascual (kaliwa) kay Mrs. Asia Pacific Intercontinental ’25 bet Novelyn Natividad sa harap ng higanteng globo sa lobby ng city hall.

Iuwi mo ang korona, bilin sa pambato ng PH sa Mrs. As-Pac ’25

Steve A. Gosuico Nov 27, 2025
532 Views

GAPAN CITY–Bring home the crown!

Ito ang marching order ni Mayor Emary Joy Pascual kay Mrs. Asia Pacific Intercontinental ’25 candidate Novelyn Natividad sa courtesy visit ng huli sa alkalde noong Miyerkules.

Certified “Batang Gapan” si Novelyn at nakatakdang lumipad upang lumahok sa international pageant sa Singapore at Malaysia sa December 2-7.

“Siyempre, proud na proud po ako na isang Batang Gapan ang mag-rerepresent sa Mrs. Asia Pacific kasi napaka prestigious nito.

Siyempre ipinagmamalaki natin ito at lahat ng suporta ibibigay natin. May tiwala ako sa kakayahan ng ating pambato,” pahayag ni Mayor Pascual.

Pinayuhan din ng alkalde si Novelyn, inaanak sa kasal ng kanyang ama na si Brgy. Pambuan captain Rodrigo “BP” Pascual, na “maging natural lang siya, lakasan ang loob at ibigay ang puso.”

Nagtapos si Novelyn ng doctorate degree sa humanities at miyembro ng Rotary International.

“Ang patimpalak na ito ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kagandahan kundi isang pagkakataon upang ibahagi ang aking pagkahilig sa paglilingkod at pagpapaunlad ng komunidad,” sabi ni Novelyn.