Bucor

MOA nilagdaan ng BuCor, S. Leyte para sa pagtatag ng Regional Prison Facility sa Silago

265 Views

NILAGDAAN ng Bureau of Corrections (BuCor) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Southern Leyte ang isang Memorandum of Agreement para sa pagpaplano, pag-unlad, at pagtatatag ng Regional Prison Facility (RPF) sa Silago, Southern Leyte.

Bilang isang Special Economic Zone na nag-iintegrate ng correctional, agro-industrial, at eco-tourism components, opisyal na nilagdaan ang MOA nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at Southern Leyte Governor Damian G. Mercado.

Ang pakikipagpartner na ito, na magbibigay-daan sa donasyon ng 2,800-ektaryang lupa sa Silago sa BuCor, ay nakabatay sa Republic Act No. 10575, o mas kilala bilang “Bureau of Corrections Act of 2013,” na nag-uutos sa BuCor na tiyakin ang ligtas na pag-iingat, repormasyon, at rehabilitasyon ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) at ang modernisasyon ng mga pasilidad pangkulungan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga Regional Prison Facilities, ayon kay Catapang.

Idinagdag pa niya na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa modernisasyon ng correctional system sa Pilipinas, na naglalayong hindi lamang mapahusay ang pampublikong kaligtasan kundi pati na rin magtaguyod ng sosyo-ekonomikong pag-unlad sa rehiyon ng Eastern Visayas.

Ipinaliwanag ni Catapang na kinikilala ang Silago dahil sa estratehikong lokasyon nito, malapit sa mga pantalan at paliparan na makatutulong sa logistics at accessibility, kaya’t magiging madali ang integrasyon ng RPF sa itinatakdang Special Economic Zone, na may mga oportunidad para sa agro-industrial at eco-tourism development.

Ang ganitong multifunksiyonal na pananaw ay naglalayong gawing mga self-sustaining communities ang mga correctional facility at nagbubukas din ng mga pagkakataon para sa lokal na pag-unlad ng ekonomiya. Ang proyekto ay sumisimbolo ng isang bagong yugto sa correctional landscape ng Pilipinas, na nagtataguyod ng restorative justice at sustainable development, ayon kay Catapang.

Sa kanyang panig, nagpasalamat si Mercado kay Catapang at sa buong ahensya ng BuCor sa pagpili sa Leyte bilang lokasyon ng kanilang proyekto at tiniyak ang kanilang buong kooperasyon upang maisakatuparan ang proyektong ito.

Sa ilalim ng kasunduan, tinukoy ng magkabilang panig ang kani-kanilang responsibilidad para sa matagumpay na implementasyon ng RPF. Pangungunahan ng BuCor ang pagpaplano at pagdisenyo ng pasilidad habang nagmomobilisa ng teknikal na resources at nakikipag-ugnayan sa mga pambansang ahensya.

Samantala, magbibigay naman ang Pamahalaang Panlalawigan ng Southern Leyte ng mga kinakailangang lokal na clearance, support services, at koordinasyon sa komunidad. Magkasama nilang bubuuin ang isang Joint Technical Working Group (TWG) upang pangasiwaan ang pag-unlad ng proyekto, na nagtataguyod ng kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng lokal na komunidad.