Calendar
Sotto tiniyak na buo, ligtas lahat ng dokumento sa Senado
TINIYAK ni Senate President Vicente C. Sotto III nitong Linggo na ligtas at buo ang lahat ng mahahalagang dokumento ng Senado, kabilang ang mga hawak ng Blue Ribbon Committee, matapos tamaan ng sunog ang isang opisina sa ikatlong palapag ng gusali.
Ayon kay Sotto, nakatanggap ang Bureau of Fire Protection ng ulat bandang 6:30 n.u. hinggil sa sunog sa opisina ng Legislative Technical Affairs Bureau. Agad rumesponde ang mga bumbero at idineklarang kontrolado ang apoy pagsapit ng 7:43 n.u. Patuloy pang iniinspeksiyon ang apektadong lugar.
“Important documents remain safe,” ani Sotto, sabay diin na nananatiling “intact, safe, and completely unaffected by the fire” ang lahat ng dokumento ng Senado, lalo na ang may kinalaman sa mga imbestigasyon.
Dahil sa tubig na ginamit sa pag-apula ng apoy, nagkaroon ng tagas pababa sa Session Hall. Sinuri at nilinis agad ang plenaryong silid, at inatasan ang maintenance team na magtrabaho nang tuluy-tuloy upang matuyo at maibalik ito sa ayos bago ang sesyon sa Lunes.
Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection at ng internal security ng Senado ang pinagmulan ng sunog at ang lawak ng pinsala. Wala namang naiulat na nasugatan at wala ring abisong pagbabago sa iskedyul ng mga sesyon o pagdinig.
Sinabi ni Sotto na nakikipag-ugnayan ang Senado sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng gusali at ng mga empleyado at maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente.

