ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa

Tinio binalaan si Dela Rosa: Susunod ka na

189 Views

PINURI ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na tanggihan ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pansamantalang paglaya, na tinawag niyang isang bihirang sandali kung saan tunay na naramdaman ang hustisya sa Pilipinas ― at nagbabala na maaaring si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang susunod.

Sa matalim na pahayag, idinagdag ni Tinio: “Bato susunod ka na.” Ito’y tumutukoy sa umano’y arrest warrant ng ICC laban kay Dela Rosa na nauna nang isiniwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.

“Masaya. Magaan ang loob. Ganito pala ang pakiramdam ng hustisya na napakadalang na maranasan sa ating bansang Pilipinas,” saad ni Tinio, na inilarawan ang desisyon bilang makatarungan.

“Tama lang na mananatili si Duterte sa The Hague hanggang sa katapusan ng kanyang paglilitis sa pagpatay ng libu-libong mga Pilipino sa ngalan ng kanyang pekeng gera kontra droga,” aniya.

Sinabi naman ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na ang aksyon ng Appeals Chamber ay inaasahan, at binigyang-diin ang kahinaan ng kahilingan ni Duterte mula pa sa simula.

“The ICC Appeals Chamber decision was as expected. Duterte’s interim release was undeniably flying on a wing and a prayer from the very start,” ani De Lima, dating senador na nakulong noong administrasyong Duterte dahil sa umano’y gawa-gawang kasong droga.

Binigyang-diin ni De Lima na ang kampo mismo ni Duterte ang nagbigay ng dahilan para tanggihan ng internasyonal na hukuman ang kanyang mosyon.

“Wala namang ibang may kasalanan dito kung hindi si Duterte at kanyang mga pamilya at supporters sa kanilang mga statements sa media na ginamit ng ICC Pre-Trial Chamber sa pag-deny sa interim release, na sinang-ayunan naman ng Appeals Chamber,” aniya.

Tinuligsa rin niya ang kamakailang pahayag ng anak ni Duterte, si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

“Siguro maghinay-hinay muna ang mga anak at supporters ni Duterte lalo na si Baste, na kamakailan lang ay nagdeklara na maglilista na naman sila ng mga adik para sa panibagong drug war sa Davao. Mga ganitong deklarasyon ang hindi nakakatulong sa kanyang ama,” saad ni De Lima.

“Pero alam naman natin, kailan pa ba naghinay-hinay ang isang Duterte? Special sila. Nakakulong na nga ang ama, patuloy pa rin ang kanilang impunity,” dagdag niya.

Winelkam din ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang desisyon ng Appeals Chamber na tanggihan ang apela ng dating pangulo.

“We welcome the International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber’s decision to deny former President Rodrigo Duterte’s appeal for interim release,” saad niya.

Binigyang-diin ni Elago na nagpapatuloy ang proseso habang hinihintay ng tribunal ang pagsusuri sa kalusugan ni Duterte at papalapit na ang paglilitis.

“As the ICC awaits Duterte’s medical evaluation and moves closer to trial, we stand firmly with the victims, their families, and all advocates who have fought tirelessly against impunity,” giit niya.

Nanawagan si Elago sa publiko na makiisa sa mga pamilya ng mga biktima ng digmaan kontra droga.

“We urge the public to support the families of EJK victims in the fight for justice and to reject all forms of intimidation and disinformation that seek to silence them,” ani Elago.